Daughters of Saint Paul

Enero 2, 2018 Martes bago mag-Epifania / San Basilio Magno at San Gregorio Nasianseno, Obispo at pantas ng Simbahan

JUAN 1:19-28

Ito ang pagpapatotoo ni Juan, nang suguin sa kanya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang ilang mga pari at mna Levita para tanungin siya: “Sino ka ba?” Sinabi niya ang katotohanan at di ipinagkaila; kanya ngang sinabi: “Hindi ako ang Kristo.” Nagtanong naman sila sa kanya:” Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi: “Hindi.” Ang propeta ka ba?” Isinagot naman niya: “Hindi” Kaya sinabi nila sa kanya: “ Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin.  Ano ba ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Binanggit niya ang sinabi ni Propeta Isaias, at kanyang sinabi: “Ako ang ‘tinig ng sumisigaw sa ilang, “ tuwirin ninyo ang daad ng Panginoon.” Sinugo nga sila ng mga Pariseo.  At kanilang itinanong sa kanyang: “At bakit ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot si Juan sa kanila: “Sa tubig lang ako nagbibinyag, ngunit kasama naman ninyo siyang nakatayo na hindi pa ninyo nakikilala.  Dumating siyang kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kanyang panyapak.” Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.

PAGNINILAY

Sa ebanghelyong ating narinig, kahanga-hanga ang kababaang-loob na ipinamalas ni Juan Bautista.  Hindi siya nagpanggap na maging kung sinong dakilang tao para iangat ang sarili at umani ng parangal.  Sa halip nagpakatotoo siya na hindi siya ang Kristo, ni hindi siya si Elias o ang propeta, kundi siya ang tinig na sumisigaw sa disyerto na tuwirin ang daan ng Panginoon.  Dahil sa kababaang-loob ni Juan Bautista, maituturing siyang isa sa pinakamahalagang tauhan sa Banal na Kasulatan.  Tinagurian siyang tagapag-ugnay ng Luma at Bagong Tipan.  Nagsisilbing tagapagbukas ng bagong panahon ng kasaysayan ng ating kaligtasan.  Isang uri ng pagbubukas at pagpapakilala na hindi ang ganang sarili ang ipinapahayag kundi ang nagkatawang taong Diyos.  Simple si Juan Bautista. Makatarungan, makatotohanan, makatwiran at mapagpakumbaba.  Mga kapanalig, tayong mga naglilingkod sa Panginoong Jesus bilang pari, madre at misyonerong layko, suriin natin ang ating gawaing paglilingkod.  Tunay ba nating naipapakilala ang Panginoong Jesus sa mga mananampalatayang ating pinaglilingkuran?  Nagiging daan ba tayo para mas maraming tao ang manalig sa Diyos?  O tayo ang nagiging sentro ng ating gawaing paglilingkod?  Tayo ang mas nakikilala, pinaparangalan at pinupuri ng mga tao sa galing nating mangaral, at naisasantabi si Kristo na Siya nating ipinangangaral?  Hilingin natin ang tulong-panalangin ni Juan Bautista upang matularan natin ang kanyang kababaang-loob.