EBANGHELYO: Jn 1:19-28
Ito ang pagpapatotoo ni Juan, nang suguin sa kanya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang ilang mga pari at mga Levita para tanungin siya: “Sino ka ba?” Sinabi niya ang katotohanan at di ipinagkaila; kanya ngang sinabi: “Hindi ako ang Kristo.” “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” “Hindi.” Ang propeta ka ba?” “Hindi!” “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” “Ako ang ‘tinig ng sumisigaw sa ilang, “tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon.’ ’’ “At bakit ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” “Sa tubig lang ako nagbibinyag, ngunit kasama naman ninyo siyang nakatayo na hindi pa ninyo nakikilala. Dumating siyang kasunod ko ngunit hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kanyang panyapak.” Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Nimfa Ebora, ng Pious Disciples of the Divine Master (PDDM) ang pagninilay sa Ebanghelyo. Si Blessed Carlo Acutis ay isa sa mga pinakabagong banal na pinarangalan ng Simbahan noon lamang Oktobre nang nakaraan taon. Ang kanyang ina mismo ang nagpatotoo na dating malayo siya sa Diyos, pero inakay siya ng kanyang anak pabalik sa Panginoon sa pamamagitan ng kanyang sariling pagsasabuhay ng pananampalataya kay Hesus, lalo na sa presensya nito sa Eucharistiya.// Maraming tao ang nakatunton ng daan pabalik sa Diyos sa pamamagitan ng mga taong tapat na nagsasabuhay ng kanilang pananampalataya. Ganito si Juan Bautista sa ating Ebanghelyo ngayon. Tahasan niyang sinabi na hindi siya si Elias. Hindi rin siya ang Propeta. Bagkus, siya ay “ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang,” na nanawagang, “tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.” Ang pag-iral ni Juan Bautista sa sanlibutan ay hindi para ipakilala ang kanyang sarili kundi ipakilala si Hesus na madalas ay “nasa inyong kalagitnaan” pero “hindi ninyo nakikilala.” Mga kapatid, instrumento din ba tayo upang malapalapit ang ating kapwa sa Panginoon? Ito ang panawagan sa’tin ng Ebanghelyo ngayon. Handa ba tayong tumugon?//
PANALANGIN
Panginoon, sa tulong ng iyong biyaya at tulad ni Juan Bautista, maipakilala nawa kita sa aking kapwa, sa pamamagitan ng tapat kong pagsasabuhay ng aking pananampalataya kay Kristo. Amen.