BAGONG UMAGA
Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo. Ika-dalawampu ngayon ng Enero, Kapistahan ni San Fabian na isang papa at martir, at ni San Sebastian na isang martir. Nag-alay sila ng buhay, alang-alang sa kanilang matatag na paninindigan sa pananampalataya. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin, hilingin nating lumago tayo sa ating buhay paglilingkod. Maisakatuparan nawa natin ito, nang may taos pusong pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata tatlo, talata dalawampu hanggang dalawampu’t isa.
EBANGHELYO: Mk 3:20-21
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Tinatalakay sa Ikatlong kapitolo ng Mabuting Balita ayon kay San Marko ang pagpapagaling ni Hesus sa mga maysakit, ang kanyang pangangaral sa mga tao, at ang pagtawag niya sa labindalawang alagad. Nakarating sa malalayong lugar ang mga himalang ginawa ni Hesus, ang kanyang pagpapagaling sa mga maysakit, ang pagpapalayas sa mga demonyo, kung kaya nagsidatingan ang napakaraming mga tao, hindi lamang upang makinig sa kanyang salita, kundi upang mapagaling din ang mga may karamdaman. Sinasabi sa Mabuting Balita na hindi na makuhang kumain ni Hesus, dahil sa dami ng mga tao na pumupunta sa kanya. Pero sa tindi ng kanyang awa, hindi niya maitaboy ang mga taong ito, kahit na wala na siyang oras para sa sarili niya. Hindi nakapagtatakang maging ang kanyang mga kamag-anak ay nag alala sa kanya. Wala na ba siyang isip? Nasisiraan na ba siya? ‘Di ba’t ganito rin ang ating karaniwang reaksyon pag ang isang mahal natin sa buhay ay sobrang ibinubuhos ang sarili sa paglilingkod sa kapwa? Sinasabi natin, ‘di man lang bigyan ng panahon ang sarili. Buhos buhos ang paglilingkod. Mga kapatid, kapag ang nag-uudyok sa isang tao na maglingkod, ay taos na pag-ibig para sa kapwa, ang hinanakit at pagod ay walang puwang sa puso. Isipin na lang natin ang ating mga magulang, na buong sipag na nagtatrabaho at nagsasakripisyo ng matindi, para lamang mabigyan tayo ng magandang kinabukasan. Ang isang ina na inaalagaan ang kanyang sanggol 24/7 hanggang sa paglaki nito. Ang mga doktor na nagpupunta sa mga baryo at liblib na pook, para gamutin ang mahihirap nating kababayan, na di makapunta ng ospital. Ilan lamang ito sa maraming halimbawa, na nagpapakita sa atin ng tunay na paglilingkod, na nagmumula sa kaibuturan ng puso. Mga kapatid, si Hesus ang ating huwaran sa paglilingkod sa kapwa. Nawa’y hindi tayo magsawang tumulong sa ating kapwa at laging ipakita ang ating pagmamahal sa mga nangangailangan.