Daughters of Saint Paul

ENERO 20, 2020 – LUNES SA IKALAWANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 2:18-22

Nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit kay Jesus at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ng aming madre na si Sr. Edith Ledda ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Mas natatandaan ng mga bata ang ginagawa ng magulang keysa sa kanilang sinasabi. Kung sa pag didisiplina ng mga anak, naalala ko na ang aking mga magulang, hindi masyadong nagsasalita. Sa halip, ang ginagawa nila, isinasabay kami sa pagwawalis o paghuhugas ng pinggan o pagluluto. Mas mainam daw po kase na matutuhan ang isang bagay kung ‘hands on’ka, ika nga sa pag aaral at pagtuturo. Maganda po kase, na naitatama kaagad ng aming magulang kung magkamali man kami, at maipaliwanag kung saan at kung bakit kami nagkamali. Mga kapatid, may paraan din si Hesus ng paghuhubog sa kanyang mga alagad. Madalas sa Kanyang paghubog, gumagamit siya ng mga pangkaraniwang karanasan o parabola na madaling maunawaan ng mga alagad Niya. Ang mahalaga nauunawaan ng mga ito, ang nais Niyang ipahiwatig. Sa pakikinig ng turo, at pagmamasid kung paano ito sinasabuhay, mas madali nating mauunawaan ng mensahe ng Panginoon. Mauunawaan natin ang kanyang mga aral kung bukas ang ating mga puso at isipan sa pagtanggap nito. Panindigan natin ang ating buhay pananampalataya. Maging matatag tayo sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, kahit na maging dahilan ito ng pagtuligsa at pagkutya sa atin. Harinawang maging kasangkapan tayo sa pagsiwalat ng Mabuting Balita sa ating salita at gawa.  Amen.