Daughters of Saint Paul

ENERO 20, 2021 – MIYERKULES SA IKALAWANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYOMk 3:1-6

Pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at may gusto ring isumbong si Jesus.  Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga. At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.”  “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At hindi sila umimik. Kaya tiningnan niya silang lahat, na nagagalit at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso, at sinabi sa lalaki: “lunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito. Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Nimfa Ebora, PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ano nga ba ang pinakamahalagang kautusan na dapat nating sundin?  Isa sa nakagawian ni Hesus ay ang pagpunta sa sinagoga sa araw ng pamamahinga para makilahok sa buhay-pagsamba ng pamayanan. Doon ay may taong paralisado ang kamay na hindi lubos na tanggap ng kanyang mga kababayan dahil ayon sa batas ng mga Hudyo, ang pagkakaroon ng ganoong karamdaman ay hadlang sa ritwal na kalinisan at tanda ng parusa ng Diyos. Nasa loob man ng sinagoga ang lalaking paralisado, nananatili naman siyang nasa labas ng kanilang buhay-pamayanan.// Pinahahalagahan ni Hesus ang mga kautusan. Pero kung pagpipilian ang pagtupad sa letra ng batas o ang pagsagip sa buhay ng isang tao, mas pinipili ni Hesus ang kapakanan ng tao, kahit na nga sa araw ng pamamahinga. Ang araw ng pamamahinga para kay Hesus ay araw na itinakda para sambahin ang Diyos ng Kabutihan at Awa.  Anupa’t wala nang mas hihigit pang araw para gumawa ng mabuti sa kapwa kaysa sa araw ng pamamahinga. Ang pagpapakita ng malasakit sa kapwa ay walang pinipiling araw dahil ang pag-ibig sa Diyos at kapwa ay ang pinakamahalagang batas.// Ang mga pagpapagaling ni Hesus sa Ebanghelyo ay hindi lamang tanda ng kanyang kapangyarihan bilang Diyos. Layunin din nito ang pagpapanumbalik ng buhay ng isang tao sa loob ng pamayanan. Dito makikita na pinag-uukulan ng pansin ni Hesus ang mga taong nasa laylayan o labas ng lipunan – yaong mga itinatakwil dahil sa kanilang karamdaman, kahirapan, kamangmangan, o dahil sa pamamumuhay na hindi ayon sa pamantayan ng lipunan. Bilang mga Kristiyano, katulad ba tayo ni Kristo na nagmamalasakit sa mga tinuturing na aba ng lipunan?// 

PANALANGIN

Panginoon, hubugin mo ako, upang kagaya mo, maging mapaglingap din ako lalung-lalo na sa mga nagangailangan ng malasakit sa aming pamayanan. Amen.