EBANGHELYO: MARCOS 2:23-28
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo:” Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga: Hindi yun pinahihintulot.”Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ny’o ba nabasa ni minsan ang ginawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom pati na ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” At sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, kapansin-pansin na lahat ng ginagawa ng Panginoong Jesus nagagamit Niya para turuan tayo, hamunin at tingnang mabuti ang mga kilos at pananaw natin tungkol sa kung ano ba ang tunay na pagsamba. Sa tagpo ng Ebanghelyong narinig natin, makikitang namimitas ng butil ng trigo ang mga alagad ni Jesus – isang gawaing ipinagbabawal sa araw ng Sabat. Dahil dito, pinuna sila ng mga Pariseo. Si Jesus na pinuno nila ang sumagot at nangatwiran ayon sa nasusulat sa Biblia. Simple lang ang paliwanag ni Jesus: ang Araw ng Pahinga at ang Batas, may layuning pagaanin ang buhay ng mga tao at hindi para pahirapan sila. Pagmamalasakit at pagmamahal ang batayan ng paliwanag Niya sa Banal na Kasulatan. Ang pangangailangan ng tao at ang katotohanan ang pundasyon ng Batas at pagsambang kalugod-lugod sa Diyos. Ang pagbalewala sa kabutihan o kapakanan ng tao at sa katotohanan, ang siyang tunay na paglabag sa kalooban ng Diyos. Mga kapanalig, sa mauunlad na bansa mapapansin natin, na tila nabubuhay ang tao upang magtrabaho, sa halip na sila’y magtrabaho upang mabuhay. Sa madaling salita, mas pinapahalagahan nila ang pagsunod sa batas ng kanilang pinapasukan. Halos wala na silang oras magpahinga, magdasal at magkaroon ng pagkakataong bumuo ng relasyong makatao. Tingnan natin ang ating buhay. Ang mga pinagkakaabalahan ba natin ngayon nagdudulot ng tunay na kasiyahan at buhay na ganap?