EBANGHELYO: Mk 3:7-12
Lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa. Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya. Nagpapatirapa sila sa kanyang paanan at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” (Ikaw nga) Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Eli Doroteo ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang katauhan ng ating Panginoong Hesus ay parang “magnet” o masasabi natin na siya ay taong may charisma. Siya ay sinusundan ng maraming tao kahit saan siya magpunta. Pangkaraniwang tao, napakaraming tao ang gustong makalapit sa kanya na tila may iisang pakay, ang mahawakan siya upang sila ay gumaling sa iba’t ibang uri ng karamdaman. Ang mga tao ay lumalapit sa ating Panginoong Hesus para sila’y hilumin. Tila ramdam ng mga tao na sa piling ni Kristo sila ay nabubuong muli. Marahil maganda ring tanungin natin ang ating sarili – ang aking presensya ba ay nag-a-attract ng mga tao o nagtataboy? Panatag ba ang loob ng mga kasama natin sa piling natin o sila’y puno ng takot at pangamba?//
PANALANGIN
Panginoong Hesus, manahan ka sa aking puso at pawiin ang aking mga pangamba, at linisin ang aking mga hangarin lalo na kung ito ay magdudulot sa akin ng aking kapahamakan. Amen.