Daughters of Saint Paul

ENERO 21, 2022 – BIYERNES SA IKALAWANG LINGGO NG TAON | Santa Agnes, birhen at martir

Magandang-magandang araw ng Biyernes kapatid kay Kristo!  Purihin ang Mapagmahal nating Diyos sa pagkaloob sa atin ng panibagong pagkakataon upang lumago sa ating pananampalataya at pagkakakilala sa Kanya.  Ihabilin natin sa Kanya ang mga gawain natin sa buong maghapon at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin at sa ating pagdedesisyon. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!   Pakinggan na natin ang paghirang ng Panginoong Hesus ng labindalawang apostol sa Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata tatlo, talata labintatlo hanggang labing siyam.  

EBANGHELYO: Mk 3:13-19

Umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya.  At lumapit sila sa kanya. Sa gayon niya hinirang ang labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan para palayasin ang mga demonyo. Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang  ibig sabihi’y “Sina-Parang-Kulog”; at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Tinawag ni Hesus ang labindalawang apostoles at binigyan niya ang mga ito ng kakayahang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng demonyo. Kung tutuusin, ang mga apostoles ay mga karaniwang tao, alam natin na mangingisda ang ilan sa kanila, ang isa naman ay tax collector. Hindi sila nabibilang sa mga matataas sa lipunan, katulad ng mga Eskriba at Pariseo nang panahong iyon, pero tinawag sila ng Panginoong Hesus. Binigyan ng pambihirang kakayahan upang maisakatuparan ang misyong ipinagkatiwala sa kanila. Mga kapatid, minsan masyado nating pinapahalagahan ang “outward appearances” ng isang tao – ang taas ng pinag-aralan, ang katayuan sa buhay, ang itsura, maganda ba siya o gwapo? – at base sa mga bagay na ito, jina– judge natin ang kakayahan ng isang tao. At madalas ina apply din natin ang ganitong panukat sa ating sarili. Pero kung ganito ang ating sistema, hindi malayo na madi disappoint tayo. We will never measure up to our own expectations, ‘ika nga. Pero, iba ang Panginoong Hesus. He qualifies whom he calls. Anuman ang kakulangan sa ating pagkatao, siya ang nagpupuno. Wala sa kanya kung mataas man ang pinag-aralan mo o hindi. Mayaman ka man o mahirap. Ang tinitingnan ng Panginoong Hesus ay ang kalinisan ng puso at ang ating “willingness to do his will at all times.” Kaya isang hamon ito sa atin na maging bukas lagi ang ating puso na tumugon sa tawag ng Diyos. Palaguin natin at gamitin ng ayos ang mga katangian at kakayahang Kanyang ipinagkaloob upang maipalaganap ang kanyang salita. Gayunman, tandaan natin na magtatagumpay lamang tayo sa misyon na ipinagkaloob sa atin ng Diyos, kung laging nakasalalay sa Kanya ang ating tiwala.