BAGONG UMAGA
Pit Senor! Maligayang Kapistahan ng Santo Niño sa ating lahat. Nais ko ring batiin ng Happy Fiesta ang mga parokyang nagdiriwang ng Kapistahan ngayon. // Ngayon din po, 3rd Sunday in Ordinary time, ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika sa buong mundo, ang Sunday of the Word of God, na may temang “Remain in my Word.” Ito ang ating samo’t dalangin sa Panginoon, na sa patuloy nating paglalakbay tungo sa kaganapan ng buhay, tulungan tayong manatili sa Kanyang salita, at sikaping maisabuhay ito. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Atin nang pagnilayan ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata sampu, talata labintatlo hanggang labing-anim.
Ebanghelyo: Mk 10:13-16
May nagdala kay Hesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. At pagkakita ni Hesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag n’yo silang pigilan. Sa mga tulad nga nila ang Kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi papasok sa Kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.” At pagkakalong sa kanila ni Hesus, ipinatong niya s kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila.
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Viva Sto. Nino!!! (Naglalakad ako noon sa loob ng simbahan nang aking nadaanan ang isang mag-ina, na kung saan ang anak ay nag-iingay at naglalaro. Sabi ng nanay sa anak, “Anak punta ka dito. Behave ka. Magagalit si Father!” Naku! ginawa pa akong panakot upang tumahimik ang bata. Aminin, marami sa atin ang ginagawa ito!!!) Sa ating Ebanghelyo, pinapakita sa atin na hindi dapat katakutan si Hesus. Sa katunayan, dinala pa nga ng mga nakatatanda ang mga bata para basbasan ng Panginoon. Pero ano ang nangyari? Hinarang ng mga alagad ang mga taong may tangan-tangang mga bata. Ayaw ng mga alagad na maistorbo si Hesus sa pagtuturo, dahil na rin marahil likas sa mga ito ang pagiging maiingay at magugulo. Pero ano ang nangyari? Sa halip na hindi pansinin ang mga ito, nagsalita si Hesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata.” And wait—papunta na tayo sa most exciting part—dagdag pa ni Hesus, “may Karapatan din ang mga bata sa kaharian ng Diyos … at sana tularan ang mga ito sa pagtanggap sa kaharian.” Ang ganda naman noon!!! Hindi lang kinilala ni Hesus ang karapatan ng mga bata, itinaas pa niya ang dignidad ng mga ito. Paano nga ba ang maging bata noon? Tinuturing silang the last, the least; and the lost – walang karapatan, walang silbi at tinig sa lipunan. Binago ni Hesus ang ganitong pananaw. Para kay Hesus, maging sino ka man; matanda ka man o bata, lahat tayo ay anak ng Diyos—may dignidad, may silbi at may tinig sa kaharian ng Diyos. Mga kapatid, sa ating pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Nino, muli tayong pinapa-alalahanan na si Hesus ay tunay na naging tao. Siya din ay naging bata, hanggang siya ay lumaki. Pangalawa, ang kaharian ng Diyos ay walang pinipili na lahi, edad, kulay, kasarian at estado sa Lipunan. Lahat ay may karapatan, kahit bata. Tayo ay mga anak niya at iyan ang mahalaga at hindi magbabago. Amen.