Is 8:23-9:3 – Slm 27 – 1Cor 1:10-13, 17 – Mt 4:12-23 [o 4:12-17]
Mt 4:12-23
Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. Hindi siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali:
Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano.
Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.”
At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagumbuhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”
Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”
Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya,
Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa Bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao.
PAGNINILAY
Mga kapatid, habang tumatagal, paparami nang paparami ang mga isda na kailangang mahuli para sa kaharian. Isda ang simbolo ng bawat tao. Lumalangoy tayo sa dagat na punong-puno ng iba’t-ibang elemento. Mga elemento ng sari-saring korupsyon, imoralidad, kawalan ng pagpapahalaga sa buhay ng tao at papalalang problema ng kahirapan na sumusugat sa ating pagkatao. Mga elemento ng samu’t-saring impormasyong napupulot natin sa media at digital technology na nagdudulot sa atin ng pagkalito, dahilan ng paghina ng ating pananampalataya. Kapatid, ikaw, ako, tayo… tulad nina Pedro, Andres, Jaime at Juan – inaanyayahan ni Jesus na maging mangingisda ng ating kapwa – maging tagapaghatid ng Mabuting Balita sa kanila. Handa ka bang pumalaot sa mapanghamong dagat ng ating mundo?