MARCOS 3:22-30
May dumating na mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.” Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makakatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang samdahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalabas sa kanayang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at magkakalat sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat na ari-arian nito. Sinasabi ko sa inyo: “patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat ng kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y hindi siya mapapatawad; kasalanang walang haggan ang nasa kanay.” Ang pagsasabi nilang may masamang Espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus.
PAGNINILAY:
Makatotohanan ang sinabi ni Jesus sa Ebanghelyong narinig natin. Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kahariang iyon. Ganun din ang mangyayari sa isang bansa, sa isang samahan, maging sa pamilyang ating kinabibilangan – kung walang pagkakaisa, walang pagtutulungan at pagkakaunawaan – babagsak ang samahang iyon. Ito ang nais ipaunawa ni Jesus sa mga guro ng Batas mula sa Jerusalem nang pinaghinalaan nila Siya, na mula sa demonyo ang Kanyang mabubuting gawa. Mga kapatid, malinaw na sinabi ng Panginoon na, “Patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat ng kanilang mga kasalanan, pati na ang panlalait nila sa Diyos.” Pero ang sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y hindi siya mapapatawad. Marahil itatanong natin, ano ba ang mga kasalanan laban sa Espiritu Santo? Ang pagmamaliit natin sa kakayahan ng Diyos na gumawa ng mabuti, ang magmukmok sa kawalan ng pag-asa at ang katigasan ng pusong tanggapin ang biyaya at kapatawarang kaloob ng Diyos – ito ang mga kasalanan laban sa Espiritu Santo. Mga kapanalig, nananahan ang Espiritu Santo sa puso ng bawat tao. Sikapin sana nating makita ang pananatili ng Diyos sa ating puso at sa puso ng ating kapwa.