Daughters of Saint Paul

ENERO 22, 2021 – BIYERNES SA IKALAWANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYOMk 3:13-19

Umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya.  At lumapit sila sa kanya. Sa gayon niya hinirang ang labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan upang palayasin ang mga demonyo. Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi’y “Sina-Parang-Kulog”; at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Julita Pombo na isang IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo.  Narinig natin ang pagtawag ni Jesus ng labindalawang apostol upang maging kasa-kasama Niya, suguing mangaral, at bigyan ng kapangyarihang magpalayas ng demonyo. Sa madaling salita, gagawin ng mga apostol ang misyong ginagawa ni Jesus.  Masasabing may malapit na ugnayan kay Jesus ang mga apostol kaya’t nauunawaan nila ang Kanyang mga turo.  Marahil lubos silang naakit sa Charisma ng Panginoon, kung kaya agad silang tumugon sa Kanyang tawag na sumunod sa Kanya.  Iniwan ang kanilang trabaho, mga ari-arian, pamilya upang tumugon sa tawag ng misyon.  Mga kapatid, bilang mga binyagang Kristiyano, tinatawagan din tayong makibahagi sa misyon ng Panginoong Jesus na ipalaganap ang Kanyang paghahari sa kasalukuyang mundo.  Ang ating pagsisikap na tumugon sa tawag na mahalin Siya nang higit sa lahat at ang kapwa gaya ng sarili, ang pinaka-mahalagang utos na iniwan Niya sa atin. Ngayong may pinagdadaanan tayong pandemya, kung saan maraming tao ang nangangailangan ng tulong, paano tayo nagiging mukha ng habag at awa ng Diyos sa ating kapwa?  Ang pag-abot natin ng tulong sa maliliit o malalaking paraan man, ang pag-alay ng panalangin sa mga taong higit na naapektuhan ng pandemya at mga kalamidad, ang kahandaang makinig sa hinaing ng mga taong nawawalan na ng pag-asa, ang ilan lamang konkretong paraan ng pagpaparamdam  na buhay ang Diyos at kumikilos Siya sa pamamagitan natin. Ano man ang ating kalagayan sa buhay, maaari tayong maging instrumento ng Diyos sa pagpapalaganap ng Kanyang Kaharian sa kasalukuyang mundo sa pamamagitan ng pagsabuhay natin ng pinakamahalagang utos na mahalin Siya ng higit sa lahat at ang kapwa gaya ng sarili.   Paano ba tayo tumutugon sa pang-araw-araw nating buhay?