BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ikadalawampu’t dalawa ngayon ng Enero, ginugunita natin si San Vicente na isang diyakono at martir. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating lumago sa pagsabuhay ng ating pananampalataya. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Bakit hindi mapapatawad ang sinumang lumait sa Espiritu Santo? Bago natin ito sagutin, pakinggan muna natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata tatlo, talata dalawampu’t dalawa hanggang tatlumpu.
Ebanghelyo: Mk 3:22-30
May dumating na mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.” Tinawag sila ni Hesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makakatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang samdahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalabas sa kanayang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at magkakalat sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat na ari-arian nito. Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat ng kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y hindi siya mapapatawad; kasalanang walang haggan ang nasa kanay.” Ang pagsasabi nilang may masamang Espiritu siya ang tinutukoy ni Hesus.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Hindi mapapatawad ang sinumang lumait sa Espiritu Santo. Bakit? Ayon kay Pope Francis, dahil ito ang pagpinid ng puso sa habag ng Diyos na kumikilos kay Hesukristo. Mismong si St. Pope John Paul II, sa kanyang encyclical na Dominum et Vivificantem, The Lord, the giver of Life, nasusulat na dahil sa Banal na Espiritu tayo ay nagbabalik-loob. Kung sarado ang kalooban sa tunay na pagbabagong buhay, tulad ng walang taos na pagsisisi at walang tapat at matibay na layunin na makipagkasundo sa Diyos, nananatiling walang matatanggap na kapatawaran. Sila ang mga nagmamatigas sa kanilang karapatan na pumanig sa masasama at piliin ang masamang gawa. Pero sindami ng bituin sa gabi ang nakahanda sa atin na pagpapatawad, bi ba? Kaya, kahit na anong oras tayo lumapit sa Kanya, mabilis Siyang sasalubong sa atin. Kapatid, kung may sama ka man ng loob sa ating Diyos, nakikita ito at naririnig ng Kanyang puso. Handa siyang ipahayag mo ang iyong niloloob. Sa mga tumatangkilik naman ng Sakramento ng Kumpisal, patuloy pa nating ipagkatiwala ang ating kalooban sa Banal na Espiritu. Hinding-hindi Niya tayo hahayaang mahulog sa patibong ng kasamaan.