Heb 9:15-24-28 – Slm 98 – Mk 3:22-30
Mk 3:22-30
May dumating na mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.”
Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makakatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang sambahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalabas sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at magkakalat sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat na ari-arian nito.
Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat ng kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y hindi siya mapapatawad; kasalanang walang haggan ang nasa kanya.” Ang pagsasabi nilang may masamang espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus.
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa pagsisimula ng pagdiriwang ng National Bible Week, mahalagang pagtuunang pansin ang kahalagahan ng Salita ng Diyos sa ating buhay. Tunay na makapangyarihan at buhay ang Salita ng Diyos! Ito ang nagsisilbing gabay at kalakasan natin sa panahon ng pighati at pagsubok upang huwag magapi ni Satanas. Tuso at sinungaling si Satanas! Lagi siyang naiinggit sa tuwing napapalapit tayo sa Diyos. Kaya kung anu-ano ang ginagawa niyang panlilinlang at panunukso upang mahulog tayo sa kanyang bitag. Siya rin ang dahilan ng pagkakahati-hati at pag-aaway-away sa loob ng tahahan, sa opisina, sa komunidad; ang sumisira ng relasyon ng mag-asawa, mag-anak, maging nang magkakaibigan. Mga kapatid, mapaglalabanan lamang natin ang mapanlinlang na kilos ni Satanas, kung nakakapit tayo sa Salita ng Diyos at laging nananalangin. Dahil ito lamang ang mabisang sandata natin laban sa kasamaan. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang ito.