EBANGHELYO: Mk 3:20-21
Pagkauwi ni Jesus kasama ang kanyang mga alagad, nagsidating ang mga tao kayat hindi na sila nakakain. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamag-anak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang “Nababaliw siya.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Namali ng pag-unawa ang mga kamag-anak ni Jesus sa Kanya. Nasisiraan na raw Siya nang bait. May pagbabanta na magdadala ng kahihiyan si Jesus sa kanilang pamilya. Kung ipagpapatuloy Niya ang ginagawa Niya, baka hindi nila matanggap. Dahil nasisimulan na Niyang iwan ang magandang kalakalan ng Kanyang ama. Ayon sa mga dalubhasa sa Bibliya, maaring hindi lang isang simpleng karpintero si San Jose. Malamang daw na master craftsman siya. Malikhain kapag nakahawak na ng isang pirasong kahoy o maaari ring bato. Magaling ang kamay niya sa pagdisenyo sa pamamagitan ng paggamit ng puthaw o palakol. At natutuhan ito ni Jesus sa kanya. Pero ngayon, kakaiba na ang ginagawa ni Jesus. Nararamdaman mo rin ba ang dilemma ni Jesus? May nag-ring ba na bell? May mga panahon din ba na hindi maunawaan ng family mo ang iyong dreams sa buhay? May pangarap sila sa iyo pero iba naman ang hilig mo. Sasabihin pa nila na “ang weird mo”. Naranasan ito ni Jesus, nasaktan din Siya. Pero may kailangan Siyang sundin. Hindi ang Kanyang kagustuhan , kundi ang sa Diyos Ama. Kapatid, kung sakaling ganito ang sitwasyon mo ngayon, o kaya matagal mo na itong dalahin, gusto mo bang mag spend time in prayer with Jesus? Ipayakap mo sa Kanya ang lahat ng niloloob mo. Buong tiwala mong sabihin sa Kanya ang sakit ng iyong dibdib, ang iyong panghihina sa sobrang pag-intindi kung bakit sa halip na suportahan ka, ipinipilit pa rin ang kanilang gusto. I-express mo lahat kay Jesus. Pagkatapos, ikaw naman ang makinig sa Kanya. Paulit-ulit mong basahin ang dalawang talata na narinig natin ngayon sa Ebanghelyo. Mula nang umuwi Siya sa bahay hanggang mapagkamalan Siyang nasisiraan ng bait. Tumahimik at hintayin ang susunod na sasabihin (Niya/ ng Diyos) sa iyo. (Pakinggan mong mabuti ang Banal na Karunungan na irereveal Niya sa iyo, at isilid mo sa iyong puso. Pakinggan mo rin si Mama Mary. Matapos nito, subukan mo rin na kausapin nang masinsinan ang iyong magulang. Ilahad mo ang vision mo sa buhay at hayaan mo rin silang magpaliwanag. Gawin mo ito nang may buong paggalang sa kanila. Dalhin mo rin ang natutuhan mong “friendly advise” kay Jesus at ang payo ng Santang Ina na si Maria. Naniniwala ako na may handog na bagong pananaw ang naghihintay sa iyo at sa iyong mga magulang.)