Daughters of Saint Paul

ENERO 23, 2022 – IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | Linggo ng Salita ng Diyos

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon. Linggo po ngayon ng Salita ng Diyos o Sunday of the Word of God!  Gaano ba kahalaga ang Salita ng Diyos sa’yong buhay?  Naglalaan ka ba ng panahon araw-araw upang basahin ito, pagnilayan at gamitin sa’yong pagdarasal?  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang buksan na natin ang puso at isip sa paggabay ng Banal na Espiritu upang maunawaan ang mensahe ng Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata isa, talata isa hanggang apat, at kabanata apat  talata labing-apat hanggang dalawampu’t isa.

EBANGHELYO: Lk 1:1-4, 4:14-21

Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya.  Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya lahat. Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian.  Tumindig siya para basahin ang Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako  upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha.  Sinugo niya ako upang ihayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang ihayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo.  At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga.  Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatan ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig.  At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”

PAGNINILAY

Espiritung bumubuhay ang Salita ng Maykapal!  Ito ang mga katagang ipinahayag sa salmo ng unang pagbasa sa araw na ito.  Tunay na nagdadala ng buhay ang salita ng Diyos!  Para sa mga ayaw tumupad nito, ang Salita ng Diyos ay maaaring magmistulang “lason” na ang dulot ay pagkatakot at kamatayan.  Marami ang umaayaw at di nagbabasa ng Salita ng Diyos dahil ayaw nilang mapulaan sa kanilang maling ginagawa, ayaw nilang mabagabag ang kanilang konsensiya at higit sa lahat ayaw nilang harapin ang mga hamong kaakibat nito.  Sarado ang kanilang puso sa hatid nitong pagbabago.  Mga kapatid, buksan nawa natin ang ating puso sa grasyang hatid ng Salita ng Diyos.  Kapag ang Salita ng Diyos ang naging panuntunan ng ating buhay, magiging magaan at masaya ang buhay sa kabila ng mga pagsubok, patuloy tayong aasa sa kagandahang loob ng Diyos at higit sa lahat lalalim ang ating pananampalataya at pakikipag-ugnayan sa Panginoong Diyos.