Daughters of Saint Paul

Enero 23, 2024 – Martes sa Ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon | San Ildefonso ng Toledo

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Purihin ang Diyos nating Mapagkalinga at Mapagmahal!  Pasalamatan natin Siya sa mga biyaya at pagpapalang inilaan Niya sa atin para sa araw na ito.  Muli, ihabilin natin sa Kanya lahat ng mga gawain natin sa buong maghapon at hilinging magampanan ito nang naayon sa Kanyang mahal na kalooban.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Maririnig natin ang pahayag ng Panginoong Hesus na ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay ang kanyang ina, at kapatid na lalaki at babae, sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata tatlo, talata tatlumpu’t isa hanggang tatlumpu’t lima.

Ebanghelyo: Mk 3:31-35

Dumating ang ina ni Jesus at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya.  Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mag kapatid; hinahanap ka nila.”  At sinabi ni Jesus sa kanila:  “Sino ang aking ina at mga kapatid?” At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “narito ang aking ina at mga kapatid.  Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin and sumusunod sa kalooban ng Diyos.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Rev. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa tuwing ipinakikilala natin ang ating sarili, mahilig tayong magpakilala bilang kamag-anak ni ganito o kakilala ni ganoon, kasamahan sa trabaho, kababata, kababayan, kapitbahay at marami pang iba. Hinahanapan natin ng konek, ng punto, kung saan magtatagpo bilang kakilala o kaanak. Minsan nakakatulong ito upang mapabilis ang pagkakilala sa atin kung sino tayo. Apo ho ako ni lolo Juan at lola Juana, anak ho ako ni Maria, pamangkin po ninyo ako. Minsan naman, naaabuso ito at nagiging daan ng palakasan o kaya ay nepotismo. Nakakalungkot na realidad ito sa ating paligid. Mas malakas ka at mas napapaboran, kung kakilala o kamag-anak. Hindi na ito bago, dahil kung susuriin ang kasaysayan ng tao, napakaraming beses nang may nangyaring ganito, mayaman man o mahirap, sa pamahalaan man o maging sa simbahan. Napagbibigyan kasi kakilala. Sa araw na ito, narinig natin si Hesus na nagbibigay pamantayan upang maging malinaw ang ating pagkakakilanlan sa kanya, na tayo ay tunay niyang mga kapatid, maging kanyang Ina. Ano ang pamantayang Ito? Ito ang pakikinig at pagtupad sa Salita ng Diyos. Hindi niya isinasantabi ang kanyang tunay na pamilya na pinuntahan siya, bagkus binibigyan niyang patotoo, na ang kanyang pamilya – si Maria at ang mga alagad niya ay mga tapat sa pakikinig at pagsasabuhay sa Salita ng Diyos. Binubuksan rin Niya ang pintuan ng kanyang tahanan sa lahat na mga nakikinig at tinatanggap ang salita ng Diyos. Ito ang paanyaya sa atin sa araw na ito: Kung nais nating maging tunay na mga kapatid o kapamilya ni Hesus – pakinggan natin ang kanyang mga salita at higit sa lahat isabuhay ang mga ito, sa isip, sa salita at sa gawa. Amen.