Heb 10:1-10 – Slm 40 – Mk 3:31-35
Mk 3:31-35
Dumating ang ina ni Jesus at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; hinahanap ka nila.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?”
At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “narito ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin and sumusunod sa kalooban ng Diyos.”
PAGNINILAY
Para sa ating mga Filipino na kilala sa pagiging sensitibo, at may malaking debosyon sa Mahal na Birheng Maria, siguro masasaktan tayo sa sinabi ng Panginoon sa Ebanghelyong ating narinig, “Sino ang aking ina, at sino ang aking kapatid?” May hatid itong tensiyon sa paniniwala nating mga Kristiyanong Katoliko tungkol sa panghabambuhay na pagkabirhen ng Mahal na ina, na ang ibig sabihin walang naging kapatid ang Panginoong Jesus. Samakatuwid, hindi ang Mahal na Birhen Maria ang kanyang tinutukoy dito kundi ang lahat ng mga mananampalatayang sumusunod sa Kanya. Sa unang pagdinig, parang walang paggalang, at tinakwil ng Panginoon ang kanyang ina dahil hindi Niya ito hinarap at kinausap. Nagpatuloy siya sa pangangaral sa mga tao sa loob na tinuturing niyang tunay na kapamilya. Mga kapatid, sa konteksto ng pagbasa natin ngayon, ang hangganan ng pamilya – lumawak nang higit sa mga kadugo, kamag-anak, asawa, maging nang kanyang mga alagad. Napabilang na rin dito ang lahat nang nagnanais na magkaroon ng malalim na relasyon sa Diyos at handang sumunod sa Kanyang utos. Hindi kabilang dito ang mga kamag-anak sa dugo na walang tamang relasyon sa Diyos. Sa kabilang banda, isa itong radikal na pag-unawa kung ano ang ibig sabihin ng pamilya at komunidad. Para kay Jesus, lahat nang nagsisikap tupdin ang kalooban ng Diyos ang Kanyang tunay na pamilya kahit hindi magkadugo. Panginoon, tulungan Mo po akong laging mamuhay nang naaayon sa Iyong Banal na kalooban. Amen.