Daughters of Saint Paul

ENERO 24, 2021 –IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | SUNDAY OF THE WORD

EBANGHELYOMk 1:14-20

Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea.  Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing  “Sumapit na ang panahon; magbagong buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa.  Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”  Agad nilang iniwan ang kanilang lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy pa siya ng kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat.  Tinawag sila ni Jesus.  Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo at umalis na kasunod niya.    

PAGNINILAY

Mga kapatid, tinalakay ng ebanghelyo ngayon ang simula ng ministeryo ni Jesus sa Galilea.  May detalye ang maikling kuwentong ito na magbibigay sa atin ng aral tungkol sa gawain ng Diyos.  Una, ikinulong si Juan Bautista bago magsimula si Jesus sa kanyang ministeryo.  Tanda ang pagdakip at pagpugot sa ulo ni Juan Bautista ng pagsisimula ng panahon ni Jesus.  Hindi ito isang aksidente lamang kundi bahagi ng plano at gawain ng Diyos na isang “makalangit na pamamahala”.  Ikalawa, sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain hindi sa Jerusalem kundi sa Galilea.  Sa pagsisimula ni Jesus ng Kanyang ministeryo sa Galilea, nais niyang ipaunawa sa atin na hindi nakukulong ang gawain ng Diyos sa mga ritu at ritwal sa Jerusalem. Ikatlo, sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain sa Dagat ng Galilea, hindi sa isang sinagoga. Ikaapat, sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain sa pagtawag nang dala-dalawa sa mga alagad. Ikalima, isang paanyaya ang ipinangangaral ni Jesus. Tinawag Niya ang apat na mangingisda na tinalikdan naman ang kanilang mga lambat at mga kasama. At ang ikaanim, tinawag ni Jesus ang apat upang maging mangingisda sila ng tao. Mga kapatid, ang gawain ng Diyos ay isang gawain na laging umuusad. Unti-unting pinapakilala ng Diyos ang Kanyang mga plano, kung kaya’t hinuhubog Niya tayo sa Kanyang mga kamay. Habang tayo’y gumagawa para sa Kanya, umuunlad din tayo sa talino at makalangit na karunungan, sa pagpapala ng ating mga kapatid, tulad ng ginawa ng Panginoong Jesus sa Nazareth.