Daughters of Saint Paul

ENERO 24, 2022 – LUNES SA IKATLONG LINGGO NG TAON | San Francisco de Sales, Obispo at pantas ng Simbahan

Isang mabiyaya at puno ng pag-asang araw ng Lunes kapatid kay Kristo!  Ngayon ang simula ng National Bible Week na magtatapos sa Linggo, sa pagdiriwang ng National Bible Sunday.  Ang tema ng pagdiriwang/ “Pag-ibig ng Diyos ang Kasagutan sa Dumaraing na Sanlibutan”.  Tunay na kapag pag-ibig ng Diyos ang ating pinanghawakan, walang unos o bagyo ng buhay ang magpapatumba sa atin dahil hawak tayo ng mapagkandiling kamay ng Diyos.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata tatlo, talata dalawampu’t dalawa hanggang tatlumpu.

EBANGHELYO: Mk 3:22-30

May dumating na mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.” Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang satanas ang magpalayas sa Satanas?  Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makakatayo ang kahariang iyon.  At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang samdahayang iyon.  At kung si Satanas ang lumalabas sa kanayang sarili  at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya.  Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at magkakalat sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas.  Saka lamang niya masasaid ang lahat na ari-arian nito. Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat ng kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y hindi siya mapapatawad; kasalanang walang haggan ang nasa kanay.”  Ang pagsasabi nilang may masamang Espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Isang madaling araw, napaaga ako ng gising dahil nag-aaway ang dalawang aso sa kapit-bahay. May nagngangalit ang pagtahol, may umiiyak sa sakit. Isang konkretong halimbawa ito, ng sinabi ni Hesus na disharmony. Pag-aaway!  Hindi tugma ang pagiging Kaharian sa pinaghaharian; ang haligi ng tahanan, sa kanyang maybahay at mga anak. Hindi rin ito naiiba sa mga nag-aabuso ng kanilang kapangyarihan at nagmamaltrato sa mga dukha. Ang gumagamit sa mga bulag at pilay para manlimos sa kalsada;  ang glorification sa salapi, at malustay na paggamit para sa sariling kasiyahan. Ang mga nakikinabang sa issue ng kawing-kawing na covid mutations. Tapos, sa lahat ng ito, kanino mo ipinaparatang? Sana hindi mo rin sasabihin na parusa ito ng Diyos. Mga kapatid, balikan natin ang Gospel ngayon. Ano’ng katwiran ng mga Eskriba na itinuring si Hesus bilang prinsipe ng demonyo? Pinuno ng mga diyablo, pupuksain ang sarili niyang mga alagad? Oh c’mon.  Ihiwalay natin ang dulot ng masama mula sa kagandahang-loob at kabanal-banalang naging laman at dugo na Salita. Ngayong buwan ng Enero, magandang i-renew natin ang ating pananaw. Sa lahat ng ligalig, kaguluhan, iskandalo, tingnan natin ito sa perspektibo ng kaligtasan. Si Hesus na dukhang Diyos, na inabuso ng makapangyarihan, ay patuloy na kalakbay ng mga biktima ng bangis ng masama. Sa binibilang natin ng taon ng paghihirap, may restoration Siyang ginawa. Araw-araw, gawin nating tinig ang himig ni Hesus “Pagmasdan, binabago ko ang lahat.” Di ba ito ang diwa ng kabanal-banalang Espiritu ni Hesus?