Gawa 22:3-16 [o Gawa 9:1-22] – Slm 117 – Mk 16:15-18
Mk 16:15-18
Sinabi ni Jesus sa Labing-isa: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa pagdiriwang natin ngayon ng Pagbabalik-loob ni San Pablo, Apostol, mahalagang bigyang-pansin na ang pagbabalik-loob laging nakaugnay sa misyon. Kapag tinawag tayo ng Diyos na sumunod sa Kanya, ibig sabihin magbalik-loob sa Kanya, may kaakibat itong misyon na dalhin ang Kanyang Salita sa iba. Ang malapit na pagkakaugnay ng pagbabalik-loob at misyon, nalalapat sa lahat ng uri ng bokasyon, hindi lamang ang bokasyon ni San Pablo at mga alagad, o ng mga pari, madre at misyonerong layko – kundi, bokasyon nating lahat bilang mga binyagang Kristiyano. Lahat ng uri ng bokasyon – pag-aasawa, pananatiling dalaga o binata, pagiging pari, relihiyoso at relihiyosa – nag-aanyaya sa atin na mamuhay nang higit sa ating sarili. Inaanyayahan tayo nitong magmahal, magpakabanal, at maging tagapagdala ng Mabuting Balita ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan. Huwag na nating palawakin pa ang pag-unawa ng sangkatauhan bilang malalayong bansa na kailangang abutin. Unahin natin ang ating pamilya, opisina, komunidad, simbahang ating kinabibilangan, at mga taong nakakasalamuha natin araw-araw. Sila ang mga taong dapat nating pagdalhan ng Mabuting Balita, hindi sa paraan ng pangangaral, kundi sa ating pagsabuhay ng turo ng Panginoon. Paulit-ulit kong sinasabi sa aking pagninilay na ang pinakamabisang paraan ng pagtuturo sa iba tungkol sa Salita ng Diyos – ay ang makita sa’ting buhay pananampalataya at pakikipagkapwa-tao na tunay tayong pinananahanan ng Diyos.