Daughters of Saint Paul

ENERO 25, 2018 Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Taon / Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo, apostol

 

MARCOS 16:15-18

Sinabi ni Jesus sa labing-isa: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.  Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala.  At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason.  Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mag maysakit at gagaling ang mga iyon.”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig ang panawagang maging tagapagpahayag ng Mabuting Balita, hindi lang nauukol sa mga pari, madre at laykong naglilingkod sa simbahan.  Kundi ito’y panawagan din para sa ating lahat na tumanggap ng Sakramento ng binyag.  Inaanyayahan tayong maging tagapaghatid ng Mabuting Balita, sa ating pamilya, sa ating pinagtatrabahuhan, sa organisasyon sa simbahan na ating kinabibilangan at sa komunidad.  Sa pagtanggap natin ng sakramento ng binyag, naging mga inampong anak tayo ng Diyos.  At bilang mga anak ng Diyos nakikibahagi tayo sa karaniwang bokasyon na magmahal at magpakabanal– anuman ang estado o katayuan natin sa buhay.  Mahirap man tayo o mayaman, bata o matanda, nakapag-aral o hindi – tinatawagan tayong magmahal at magpakabanal.  Sa iyong pang-araw-araw na buhay paano ka tumutugon sa panawagang ito sa’yo ng Panginoon? Makikita ba sa’yong buhay ang pagsisikap na ituwid ang masasamang ugali na labis na nakakaapekto sa kapwa, ang kahandaang talikuran ang sarili para sa kapakanan ng iba, ang buong pagtitiyagang pasanin ang sariling krus, at kahandaang maglingkod sa lahat?  Higit sa pangangaral ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng salita – mas epektibo ang pangangaral na nakikita sa gawa.  Walang saysay ang galing nating magturo tungkol sa pagpapakabuti at pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, kung hindi natin ito sasabayan ng ating mabubuting halimbawa.  Ang ating pagsabuhay ng Mabuting Balita ang pinaka-unang hakbang sa pagtugon sa tawag ng Panginoon na maging tagapagpahayag nito sa iba.  Hindi natin ito magagawa sa ganang atin lang.  Kailangan natin ang personal at malapit na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa panalangin.  Manalangin tayo.  Panginoon, marapatin Mo pong maging kapani-paniwala akong tagapagpahayag ng Iyong Mabuting Balita sa aking kapwa.  Amen.