Daughters of Saint Paul

Enero 25, 2024 – Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon | Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo, apostol

BAGONG UMAGA

Isang mainit na pagbati po ng Maligayang Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo Apostol, mula sa aming mga kasapi ng Pauline Family.  Mahalagang bigyang-pansin na sa lahat ng mga banal, tanging Si San Pablo Apostol lamang ang may espesyal na pagdiriwang ng kanyang Pagbabalik-loob. Dahil mahalaga ito sa paglaganap ng pananampalatayang Kristiyanismo.  Si San Pablo Apostol, ang nagpakilala kay Kristong Muling Nabuhay sa mga Hentil, at kabilang tayo sa nabiyayaang makilala ang Panginoong Hesus dahil sa sigasig ni San Pablo sa pagpalaganap ng Mabuting Balita.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang maging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita sa sangkatauhan ang hamon ng ebanghelyo ngayon ayon kay San Markos kabanata Labing-anim, talata Labinlima hanggag Labinwalo. 

Ebanghelyo: Mk 16:15-18

Sinabi ni Jesus sa labing-isa: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.  Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala.  At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason.  Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mag maysakit at gagaling ang mga iyon.

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Ngayon ay ang Conversion o ang pagbabagong loob ni San Pablo ng Tarsus.  Ano ba ang ibig sabihin ng kapistahang ito? Bakit ipinagdiriwang ang Conversion? Di ba sa mga piyesta ng simbahan ang kalimitang ipinagdiriwang ay ang araw ng kanilang kamatayan? Bakit kakaiba yata ito?  Mga kapatid, ang conversion o ang pagbabagong loob ni Pablo, unang-una, ay hindi tungkol sa kung siya ay masama o mabuting tao. Opo, hindi siya perpekto! Pero hindi siya masamang tao. Sa katunayan, isa siyang masigasig at mabuting Jewish Pharisee! He followed the rules by the book! Kung kaya’t ganoon na lamang siya kasigasig na tugisin at isumbong ang mga Kristiyano, dahil para sa kanya hindi sila umaayon sa paniniwala ng isang mabuting hudyo! Iningatan niya ang kanyang kapwa hudyo, sa takot na mahikayat ang mga ito, sa inaakalang kasinungalingang ipinapahayag ng mga kristiyano— na si Hesus ay Diyos.  Pero, nagbago ang lahat noong nagkaroon siya ng tinatawag na Conversion, isang paanyaya mula sa Diyos. Sa salitang griyego, ang conversion ay metanoia–na ang ibig sabihin ay “moving beyond the mind”. Nagkaroon siya ng bago at mas malawak na pananaw tungkol kay Hesus. Kung kaya’t technically, hindi dapat pagbabagong loob o buhay ang pagsasalin ng conversion, kundi pagbabagong isip. Gayunpaman, nagpakita si Hesus sa kanya. Namangha siya! dahil ang inaakala niyang patay ay buhay pala; at kinakausap pa siya. Sabi nga niya sa kanyang sulat sa mga taga Galacia “God was pleased to reveal his Son to me, that I might proclaim him to the Gentiles!” (1:15-16).

PANALANGIN

Panginoon, tulad ni San Pablo nangungusap at nagpapakita ka rin sa amin, sa pamamagitan ng mga bagay, tao, at pangyayari sa aming buhay. Nawa, tulad ni San Pablo, magkaroon din kami ng conversion, sa pamamagitan ng bukas na isip at puso, upang amin ding lalong maipahayag ang iyong Mabuting Balita. Amen. Sa ngalan po ng Pauline Family, Happy Feast Day of St. Paul!