Daughters of Saint Paul

Enero 26, 2017 HUWEBES / Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon / San Timoteo at San Tito, mga Obispo

 

2 Tim 1:1-8 [oTi 1:1-5] – Slm 96 – Lk 10:1-9 [o Mk 4:21-25]

Lk 10:1-9 

Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu't dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinaabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin niyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga mangagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag niyong batiin ang sinuman sa daan.

            Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin n'yo muna : 'Mapasatahanang ito ang kapayapaan!' Kung mapayapang tao ang naroon , sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi'y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay.

            Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin n'yo anumang ihain sa inyo. Pagalingin niyo rin ang mga maysakit doon at sabihin sa kanila: “Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.'

 

PAGNINILAY

Mga kapatid, ibig ni Jesus na maging handa na ang mga pupuntahan Niya bago Siya dumating.  Kaya’t isinugo Niya ang pitumpu’t dalawa para mauna sa Kanya.  Alam ni Jesus na mapanganib ang kanilang gagawin kaya pinayuhan Niya sila ng mabisang paraan.  Ito ang pagkakaroon ng katangian ng tupa na may payapang kalooban at matalas na pandinig sa tinig ng Kanyang pastol.  Sa panahon natin ngayon, kailangan din na mayroon tayong ganitong katangian.  Maraming panganib ang nakaumang sa atin ngayon. Habang nagsusumikap tayong ipalaganap ang Katotohanan at Pag-ibig na nagmumula sa ating Diyos – unti-unti naman itong nilalabanan ng taliwas na impormasyong nasasagap natin sa media at digital technology na kadalasa’y sumusulong sa mga makamundong pagpapahalaga.  Ang negatibong impluwensiyang nasasagap natin sa media, lalo na sa internet – mas masahol pa sa asong-gubat.  Dahil kumikilos ito sa ating kamalayan o subconscious, na nakakaapekto sa ating pagkatao, at mga pinahahalagahan. Mararamdaman na lamang natin ang epekto nito kapag nagiging manhid na ang ating konsensiya sa paggawa ng kasalanan, napapadala na tayo sa agos ng mundo at humihina na ang pananampalataya natin sa Diyos.