Daughters of Saint Paul

ENERO 26, 2018 Biyernes sa Ikatlong Linggo ng Taon / San Timoteo at San Tito, mga Obispo (Paggunita)

LUCAS 10:1-9

Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu't dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinaabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin niyo sa panginoon ng ani na magpadala siya  ng mga mangagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong  parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag niyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin n'yo muna: 'Mapasatahanang ito ang kapayapaan!' Kung mapayapang tao ang naroon , sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi'y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin n'yo anumang ihain sa inyo. Pagalingin niyo rin ang mga maysakit doon at sabihin sa kanila: “Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.'”

           

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, nang sinabi ni Jesus na isinusugo ko kayong parang mga tupa – hindi lamang ito isang babala na mag-ingat sa mga haharaping panganib sa daan ng pagmimisyon.  Higit sa lahat, inilalatag dito ni Jesus sa mga alagad ang mahahalagang katangian ng pagmimisyon.  Kinakailangang taglayin ng mga alagad ang katangian ng Diyos na kanilang ipinahahayag:  dukha, mababang-loob at maamo.  Ang mga ito mismo ang naging tatak ng buhay ni Jesus, ang Anak at Sugo ng Diyos.  Ipinahihiwatig dito ang magiging kapalaran ni Jesus na walang kalaban-labang dadalhin ng kanyang mga kaaway sa kanyang kamatayan sa krus tulad ng isang maamong tupang dinadala sa katayan.  Tandaan na sinasabi din ni Jesus na kailangang tularan ng mga alagad ang kanyang halimbawa bilang kanilang “Panginoon” at “Guro” dahil walang aliping mas dakila sa kanyang Panginoon, ni sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya.  Tayo din, bilang mga tagasunod ng Panginoon, dapat maging handa sa mga hirap at hamon ng pagmimisyon. Pero wala tayong dapat ikatakot dahil kasa-kasama lagi natin ang Panginoon; kung paano Siyang isinugo ng Ama, gayundin naman isinusugo Niya tayo.  Panginoon, ngayong Taon ng mga pari at relihiyoso, idinadalangin po namin ang lahat ng iyong tinawag sa buhay na ito, nang taglayin nila ang Iyong katangian na pagiging dukha, mababang-loob at maamo.  Amen.