Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Kahapon, ipinagdiwang nating ang Pagbabagong-loob ni San Pablo Apostol. Ngayon naman, pinaparangalan ng Simbahan ang dalawang malapit na kasama ni san Pablo sa kanyang pangangaral – sina San Timoteo at San Tito. (Nagbalik-loob si San Timoteo sa Kristiyanong pananampalataya sa tulong ni San Pablo. Si San Tito naman ay isa sa napiling kasama ni San Pablo sa kanyang paglalakbay sa Konseho ng Jerusalem at kapwa niya manggagawa sa maraming misyon.) Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata apat, talata isa hanggang dalawampu.
EBANGHELYO: Mk 4:1-20
Nagsimula magturo si Jesus sa tabing-dagat at marami ang nagkatipon sa kanya…. Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa kanyamng paghahasik, may butong na nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa katuhan at mababaw and lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init, at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa.” Ang salita ang inihahasik ng manghahasik. Angmga nasa tabi ng daan ay ang mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa salita ay agad na dumating ang masama at inagaw ang nahhsik sa kanya. Gayundin ang nahasik sa batuhan. Pagkarinig nila sa Salita, kaagad nila itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa Salita, agad-agad silang natitisod. “May iba pang nahasik sa mag tinikan. Anf mga ito ang nakarinig sa Salita. Ngunit pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya ng kayamanan at ng iba pang mga pagnanasa. Sinikil ng mga ito ang Salita at hindi na nakapagbunga. Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig sa Salita at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, ang mga binhi ay tumutukoy sa Banal na turo ng Panginoong Hesus. Ang paghahasik naman ay ang Kanyang pangangaral. Kay Hesus, muling narinig ng mga tao ang tinig ng Panginoon na minsa’y tumahimik habang naghihintay ng tamang panahon sa Kanyang pagdating. Pero sa kabila ng kapangyarihan ng Kanyang Salita, iba-iba ang naging tugon ng mga nakikinig. May madaling makalimot sa pahayag, mayroong hanggang kaalaman lang at hindi isinasabuhay, mayroon ding tinatanggap ang pahayag, pero kulang sa paninindigan, at mayroon ding mapalad na tinatanggap ang Salita, iniingatan at pinagsisikapang magbunga sa kanilang buhay. Alin ba tayo sa mga taong ito? Kamustahin natin ang araw-araw nating tugon sa pakikinig sa Banal na Salita ng ating Panginoon. Nagbubunga ba ito sa ating buhay? Sana’y mithiin nating pagyamanin at magbunga ang Banal na Salita sa ating buhay. Sa ganitong paraan, maipapalaganap natin ang Kaharian ng Diyos sa ating kapwa.