EBANGHELYO: Mk 4:1-20
Nagsimulang magturo si Jesus sa tabing-dagat at marami ang nagkatipon sa kanya. Kaya sumakay siya sa bangka at naupo. Nasa dagat siya at nasa tabing dagat naman ang lahat. At marami siyang itunuro sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. Sinabi niya sa kanila sa kanyang pagtuturo: “Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init, at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa. Makinig ang may tainga! Ang Salita ang inihahasik ng manghahasik. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa Salita ay agad na dumating ang masama at inagaw ang nahasik sa kanila. Gayundin ang nahasik sa batuhan. Pagkarinig nila sa Salita, kaagad nila itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa Salita agad-agad silang natitisod. May iba pang nahasik sa mga tinikan. Ang mga ito ang nakarinig sa Salita. Ngunit pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya ng kayamanan at ng iba pang mga pagnanasa. Sinikil ng mga ito ang Salita at hindi na nakapagbunga. Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig sa Salita at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Eli Doroteo ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. (Pamilyar sa atin ang talinhaga tungkol sa manghahasik at mga butil. Alam natin na may mga butil na bumagsak sa daraanan at tinuka lang ito ng mga ibon; may mga butil na bumagsak sa batuhan kung saan mabilis umusbong ang mga dahon pero madali ring natuyot; at may mga butil rin naman na bumagsak sa matabang lupa, at ang mga ito ay lumago at namunga!//) Mga kapatid, ang iba’t ibang uri ng lupa marahil ay ang kalagayan ng ating puso o ang ating disposisyon sa araw- araw na buhay. Naitanong mo ba sa’yong sarili: Ano ba ang tunay na lagay ng aking puso? Mabato ba o matigas? Ang puso ko ba ay handang tumanggap ng salita ng Panginoong Hesus, pero mababaw o panandalian lamang? O kaya naman ang aking puso ay bukas at hahayaan lang na lumago ang salita ng Diyos? Ano man ang lagay ng aking puso – matigas man, mababaw, malambot at bukas – umaasa ako na ang Diyos ay marangyang uri na manghahasik ng butil (a generous one). Alam nya marahil na ang butil ay dapat lang ihasik o itanim sa matabang lupa; pero hagis lang s’ya nang hagis ng mga butil, umaasa marahil na sa takdang panahon ang ating mga puso ay parang matabang lupa na hahayaang lumago ang mga butil.//
PANALANGIN
Panginoon, sana po ang aking puso ay laging bukas at handang makinig sa iyong mga salita. Amen!