Magandang buhay ginigiliw kong kapatid kay Kristo! Ikadalawampu’t pito ngayon ng Enero, ginugunita natin si Santa Angela Merici na isang dalaga. Naglaan siya ng buhay para hubugin ang murang kaisipan ng mga bata upang maging instrumento sila sa pagbuo ng mabuting pamayanan sa hinaharap. Pasalamatan natin ang Diyos kay Santa Angela Merici, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating maging maningning na ilaw tayo na nagsisiwalat ng kabutihan at pag-ibig ng Diyos sa ating kapwa. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata apat, talata dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t lima.
EBANGHELYO: Mk 4:21-25
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ang salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na hindi nabubunyag at walang tinatakpan na d nalalantad. Makinig ang may tainga!” At sinabi niya sa kanila: “Isip-isipin n’yo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginagamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit kung wala siya, aagawin sa kanya kahit na ang nasa kanya.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Naranasan mo na bang maglakad sa madilim ng lugar? Sa pagkakataong ito marahil ang tanging nasa isip mo ay makakita ka ng liwanag kahit kaunti man lamang para makita mo ang iyong nilalakaran. Sa narinig nating ebanghelyo ngayon, sinasabi na ang ilaw ay hindi itinatago, sa halip, inilalagay ito sa mataas na lalagyan upang magbigay liwanag sa lahat. Ano ba ang ilaw na ito na binabanggit sa ebanghelyo? Ito ang mga katangian at kakayahang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, na dapat gamitin at palaguin para sa kabutihan ng ating sarili at kapwa. Sa ganitong paraan, para kang isang ilaw na nagbibigay liwanag sa iyong kapaligiran. Lahat tayo’y binigyan ng Diyos ng talento at kakayahan upang gamitin ito sa kabutihan. Nais ng Diyos na gamitin natin at payabungin ang mga ito bilang pagpupuri sa kanya. Sa panahong ito ng krisis dulot ng pandemya, huwag tayong mag-atubili na gamitin ang ating kakayahan para makatulong sa ating kapwa na nangangailangan – maging ito man ay spiritual o material na bagay. Mga kapatid, kahanga-hanga talaga ang mga sakripisyo na ginagawa ng ating mga medical frontliners. Hindi nila iniinda na ma-expose ang sarili sa virus, dahil naniniwala sila na ang kanilang kaalaman at expertise sa medisina ay isang gift na ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon, at kailangan nila itong gamitin sa pagsisilbi sa kapwa. Marami na rin sa kanila ang nagbuwis ng buhay, dahil sa kanilang tapat na pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin, bilang isang doctor or nurse. Sila ang mga ilaw na nagbigay liwanag sa madilim na kalagayan ng mga biktima ng Covid-19 sa panahong ito ng pandemya. Hindi nila itinago at ipinagkait ang kanilang kaalaman at kakayahan, upang tumulong sa kapwa. Mga kapatid, magpasalamat tayo sa mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Payabungin natin ang mga ito at ibahagi natin sa ating kapwa ng buong puso.