BAGONG UMAGA
Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo. Ikadalawampu’t pito ngayon ng Enero, ginugunita natin si Santa Angela Merici na isang dalaga. Naglaan siya ng buhay para hubugin ang murang isipan ng mga bata upang maging instrumento sila sa pagbuo ng mabuting pamayanan sa hinaharap. Pasalamatan natin ang Diyos kay Santa Angela Merici, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin natin ang katatagan ng pananampalataya sa gitna ng mga unos at bagyong dumarating sa ating buhay. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natina ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata apat, talata tatlumpu’t lima hanggang apatnapu’t isa.
Ebanghelyo: Mk 4:35-41
Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo!” Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.” Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
PAGNINILAY
Isinulat ni Miss Belen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. “Bakit kayo natatakot?” Takot magtiwala. Takot magmahal. Takot masaktan. Takot umasa. Takot magkamali. Takot mamatay. At marami pang uri ng takot na maaaring totoo o kathang-isip lang. Kaakibat ng takot ang kawalan ng pag-asa, depresyon, at labis na pag-aalala. Dahil sa takot, mailap para sa atin ang kapayapaan at kapanatagan ng puso at isipan. Sa isang banda, may kabutihan din naman ang takot. Dahil sa takot, nakakaiwas tayo sa mga bagay, tao, o sitwasyon na makakapagpahamak sa atin. Dahil sa takot, naaalala natin na sa lahat ng bagay, kinakailangan natin ang tulong ng Diyos. Sa kanya lang tayo makakatagpo ng tunay na kapayapaan. Tulad ng mga alagad, lapitan natin si Hesus sa tuwing binabayo ng matinding hangin at unos ang ating buhay. Huwag nating sabihing: “Simple lang naman ang problema ko. Busy ang Diyos sa mas malalaking bagay.” Para sa Diyos, walang malaki o maliit na problema kung buong kababaang loob na idudulog sa kanya. Kapatid, importante ka. Importante tayo. Agad babangon si Hesus at sasabihin sa hangin ang ating mga alalahanin, “Tigil!” at sa lawa ng naguguluhan nating puso, “Tumahimik ka!”. “Hanggang ngayon ba’y wala pa rin kayong pananampalataya?”
PANALANGIN
Panginoon, maging lakas ka namin sa tuwing nakakaramdam kami ng takot at panghihina ng loob. Maramdaman nawa namin ang iyong presensya sa kabila ng dilim ng kawalan ng pag-asa. Patibayin po ninyo ang aming pananampalataya. Amen.