Daughters of Saint Paul

Enero 28, 2017 SABADO / Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon / Santo Tomas Aquino, pari at pantas ng Simbahan

 

Heb 11:1-2, 8-19 – Lk 1 – Mk 4:35-41

Mk 4:35-41

Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaruon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo?”

            Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.”Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot n'yo! Bakit? Wala pa ba kayong paniniwal?”

            Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”

PAGNINILAY

Mga kapatid, hindi na bago sa ating mga Filipino ang makaranas ng malalakas na bagyo, lindol at pagbaha.  Tinatawag natin itong acts of nature.  Marami mang buhay ang nawala, mga ari-ariang nasira at mga kabuhayang nauwi sa wala, sa paglipas ng panahon, nakakabangon din tayo, sa tulong na rin ng Poong Lumikha, at sa pamamagitan ng mga taong may mabubuting kalooban na pinapadala ng Diyos upang tumulong.  Madali natin itong tanggapin nang may pananampalataya.  Pero sa kalagayan ng ating bansa sa ngayon, na nagiging talamak at tila normal na ang pagpatay ng tao, mas matinding kalamidad ang kinakaharap natin.  At mas mahirap itong tanggapin, dahil ang sanhi ng pagkamatay hindi “acts of nature” kundi “acts of man.”  Nilagay na sa kamay ng tao ang paghusga at pagpatay sa kapwa tao, na gusto pang paigtingin sa pagsusulong ng death penalty.  Sa ganitong kalakaran, maipagmamalaki pa ba natin na nag-iisang Kristiyanong bansa tayo sa Asya?  Sa kabila ng araw-araw na patayan sa ating bansa?  Totoong nakakahiya! At taliwas sa pagiging Kristiyano ang mga pangyayari sa ating bansa ngayon.  Isa itong napakatinding bagyo na humahampas sa bangka ng ating pananampalataya.  Nangangapa man tayo sa kadiliman, puspos ng takot at pangamba kung ano ang kahihinatnan ng kadilimang ating nararanasan, manalig pa rin tayo sa Diyos na Siyang Maylikha sa ating lahat.  Hindi Siya natutulog, at nababatid Niya ang pinagdadaanan nating unos sa ngayon. Sama-sama tayong manikluhod sa Diyos, mag-alay ng sakripisyo at taimtim na panalangin upang matapos na ang kadilimang nararanasan natin sa kasalukuyan.