MARCOS 1:21-28
Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: Ang Banal ng Diyos.” Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka't lumabas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saanman sa buong lupain ng Galilea.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, mapapansin natin ang nangingibabaw na tema ng Ebanghelyo: Paano maging Propeta o tagapagpahayag ng Mabuting Balita? Sa pagbasang narinig natin, ating natunghayan ang Propetang may kapangyarihan: si Jesus, ang Mesiyas. Siya ang propeta na nagpahayag ng Paghahari ng Langit hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Pero hindi siya pangkaraniwang propeta dahil ang Kanyang pagtuturo, may kapangyarihan. Hindi lamang sa salita ang Kanyang pagtuturo, buhay ang Kanyang mga pahayag sa Kanyang mga gawa: pagpapagaling sa maysakit, pagpapalayas ng demonyo at pagbabalik ng buhay sa namatay. Tunay na kamangha-mangha ang Kanyang kapangyarihan! Kapangyarihan na nagpapahayag at nagpapatunay na sa Kanyang katauhan, “naghahari ang Diyos,” at sa Kanyang mukha mababakas na “lumapit na nga ang Langit.” Mga kapanalig, sa pagtatapos ngayon ng National Bible Week sikapin nating maisabuhay ang Salita ng Diyos na araw-araw nating napakikinggan at napagninilayan. Dahil ito lamang ang tunay na sandigan ng matuwid na pamumuno at pamumuhay na siyang kinakailangan ng ating bansa sa kasalukuyan.