EBANGHELYO: Mk 4:21-25
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang mga may tainga! Isip-isipin n’yo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit kung wala siya, aagawin sa kanya kahit na ang nasa kanya.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Junlyn Maraganas ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Naglalaan ba tayo ng oras upang ibahagi ang alam natin tungkol sa Diyos? Sinasabuhay ba natin ang pananampalatayang ibinigay Niya sa atin? Ang ating kaalaman at pananampalataya tungkol sa Diyos ay lalong mamumunga kung matutunan natin itong ibahagi.// Minsan, natatakot tayong ibahagi ang Diyos dahil nahihiya tayo, pakiramdam natin napapaiba tayo sa pamantayan ng karamihan o makaluma ang ating paraan. Narinig nating binanggit ni Hesus sa ebanghelyo ang ilawan na hindi dapat itago, kundi dapat ilagay sa talagang patungan o kandelero upang magsilbi itong liwanag sa iba.// Ang ating kaalaman tungkol sa Diyos at ang ating pananampalataya ang ilaw ng ating buhay. Hindi natin ito dapat itago sa ating sarili kundi ibahagi at isabuhay, upang ang iba ay maliwanagan nito! Dalhin natin ang ilaw ni Hesus sa mga taong nakakasalamuha natin araw-araw – una, sa ating pamilya, komunidad, sa parokyang ating kinabibilangan upang sila’y maliwanagan din at mabago ni Hesus ang kanilang buhay. Gawin natin ito nang may lubos na kababaang-loob.// Kapatid, tanungin natin ang sarili: Nang tanggapin ko si Hesus bilang liwanag ng aking buhay, ibinahagi ko ba Siya sa aking kapwa lalo na sa mga naglalakbay sa madilim na daanan?
PANALANGIN
Ama, ikaw ang nagbigay ng Liwanag sa amin sa pamamagitan ng Iyong bugtong na Anak, kami nawa na tumanggap ng Iyong liwanag ay matutong magbahagi sa kapwa, at maglakas loob na ipakita ang liwanag sa lahat. Amen.