BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa mga biyaya at pagpapala at sa walang-hanggang paglingap Niya sa atin. Ipinagdiriwang din natin ngayon ang National Bible Sunday. Idalangin natin, na mapahalagahan nawa ng bawat Filipino ang pagbabasa at pagninilay ng Salita ng Diyos, upang tumimo ito sa ating puso’t kamalayan, at maisabuhay sa tulong ng Banal na Espiritu. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda na ang sarili sa pakikinig ng Mabuting Balita ayon kay san Markos kabanata isa, talata dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t walo.
Ebanghelyo: Mk 1:21-28
Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa Capernaum. At nagturo sa sinagoga sa Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: Ang Banal ng Diyos.” Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumindig ka’t lumabas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya sa buong Galilea.
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila, ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang National Bible Sunday, isang okasyon na nagbibigay-pugay sa kahalagahan ng Banal na Kasulatan sa ating mga buhay. Sa Mabuting Balita, narinig natin ang kwento ng pagtuturo ni Hesus sa sinagoga sa Capernaum. Ang mga tao ay namangha sa Kanyang turo, dahil nagtuturo Siya nang may awtoridad at hindi katulad ng mga eskriba. Pero hindi lamang ang awtoridad ni Hesus ang kinikilala ng mga tao, kundi pati na rin ang katotohanan ng Kanyang mga aral. Ang Kanyang mga salita ay nagbibigay-buhay at nagpapalakas sa mga puso ng mga nakikinig. Mga kapatid, ang Salita ng Diyos ay nagdadala ng liwanag sa kadiliman, ng pag-asa sa kawalan, at ng buhay sa mga patay na kaluluwa. Sa pagdiriwang natin ng National Bible Sunday, inaanyayahan tayo na magbalik-tanaw sa kahalagahan ng Banal na Kasulatan sa ating mga buhay. Ang Biblia ay hindi lamang isang libro; ito ay isang biyaya mula sa Diyos, isang gabay sa ating paglalakbay sa buhay. Sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, natutunan natin ang mga aral ng Diyos, ang Kanyang pagmamahal, at ang Kanyang plano para sa atin. Ipinapahayag nito sa atin kung paano maging tapat na mga alagad ng Diyos. Kaya naman basahin natin ang Biblia, aralin natin ito, dalhin natin sa panalangin ang ating mga natutunan, isabuhay ang mga aral nito at ibahagi ito sa ating kapwa.