Sof 2:3; 3:12-13 – Slm 146 – 1 Cor 1:26-31 – Mt 5:5-12
Mt 5:5-12
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila:
“Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit.
Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawain sila. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain.
Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila.
Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.
Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.
Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang Mga Propetang nauna sa inyo.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, paano nga ba natin uunawain ang “mapapalad” ni Jesus, sa kasalukuyan lipunang nag-aalok ng salungat na pagpapala? Apat na puntos ang nais kong bigyang daan. Una, ang mapapalad isang balita o pagpapahayag ng pagdating ng Kaharian ng Diyos. Dumating na ito sa katauhan ni Jesus. Kaya’t sinasabi Niya sa atin na, mapapalad na tayo ngayon dahil kinahabagan tayo ng Diyos at naghahari na ang Diyos sa atin. Magalak tayo dahil may higit pang gantimpalang naghihintay sa atin sa Langit. Ikalawa, mapapalad tayo dahil ang Kaharian ng Diyos para sa ating lahat. Wala nang taong babalewalain, hahamakin o itatakwil. Lahat tayo mahal ng Diyos. Sa mata ng Diyos, mahalaga ang bawat isa, hindi tulad ng mundong malupit, mapanhusga at pumapatay sa mga taong nagkasala, namimili ng taong marunong, malakas o mayaman. Silang mga walang- halaga sa lipunan: mga mahihina, mabababa at hamak ang pinili ng Diyos, upang hiyain ang marurunong at malakas. Ikatlo, hindi lang ipinangangaral ni Jesus ang mapapalad kundi isinasabuhay din Niya ito sa kanyang buong pagkatao. Nagdalamhati Siya sa kasalanan ng tao, naging maawain sa mga nangangailangan, naghanap ng katarungan para sa inaapi at may pusong busilak na buong-buong nakalaan sa Ama. At ang ikaapat at panghuli, ibinunyag sa atin ng “Mapapalad” kung sino talaga ang Diyos – mapagpala, mapagkalinga, maawain, mapagmahal.