Daughters of Saint Paul

ENERO 29, 2020 – MIYERKULES SA IKATLONG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 4:1-20

Nagsimula magturo si Jesus sa tabing-dagat at marami ang nagkatipon sa kanya….Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may butong na nahulog sa tabi ng daan.  Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon.  Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa.  Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init, at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan.  At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga.  Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa.” Ang salita ang inihahasik ng manghahasik.  Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa salita ay agad na dumating ang masama at inagaw ang nahasik sa kanila. Gayundin ang nahasik sa batuhan.  Pagkarinig nila sa Salita, kaagad nila itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang kalooban at panandalian lamang.  Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa Salita, agad-agad silang natitisod. “May iba pang nahasik sa mga tinikan.  Ang mga ito ang nakarinig sa Salita.  Ngunit pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya ng kayamanan at ng iba pang mga pagnanasa.  Sinikil ng mga ito ang Salita at hindi na nakapagbunga. Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig sa Salita at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”

PAGNINILAY:

 (Mula sa panulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.)  Ilang beses na kitang sinabihan. Ang tigas talaga ng ulo mo! Nakikinig ka ba?” Ito ang madalas na sermon nina nanay at tatay sa mga bata. At dudugtungan pa,” “kailan ka matuto?!”  Pero kung tutuusin, tayong malalaki na, ganito rin tayo, diba? Ilang beses na tayong pinaalalahanan na masama yan. Delikado Yan. Nakakasira yan sa sarili, sa relasyon… pero inuulit-ulit pa rin nating ginagawa… (sing) di na natuto. Sa ating Ebanghelyo ngayon, sinasabi, “Whoever has ears ought to hear… Ang may tenga makinig!!!” Ang Diyos ay nagsasalita at laging nagpapaalala. Hindi niya kayang tumigin lamang sa isang sulok at hayaan tayong malugmok sa kasalanan. This is not his nature. Tulad ng isang magulang, na parang sirang plaka na paulit-ulit na nagpapaalala. Ginagawa niya ito dahil mahal niya tayo. Ang kanyang pagpapahayag ay samut-sari. Maririnig siya sa ating kapwa at kaganapan, sa simbahan at liturhiya, sa Bibliya at marami pang iba. Kung kaya’t ang paalala sa atin – huwag maging bingi, ignorante, nagpapanggap at namimili lamang ng pakikinggan. Matuto sana tayong yakapin at gawin ang lahat ng kanyang Salita.  

PANALANGIN:

Panginoon, naway maging bukas lagi ang aking tenga na makinig sa yo. Amen.