Daughters of Saint Paul

ENERO 29, 2022 – SABADO SA IKATLONG LINGGO NG TAON

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo!  Pasalamatan natin ang Diyos sa buong linggong iningatan Niya tayo, ginabayan at pinagkalooban ng pang-araw-araw nating pangangailangan.  (Patunay ito ng Kanyang dakilang pagmamahal at paglingap sa atin.  Kaya kahit binabayo tayo ng mga unos at bagyong dumarating sa ating buhay, panatag ang ating kalooban na hindi tayo mapapahamak, dahil hawak tayo ng mapagkalingang kamay ng Diyos.)  Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata apat, talata tatlumpu’t lima hanggang apatnapu’t isa.

EBANGHELYO: Mk 4:35-41

Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Jesus sa mga alagad:  “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”  Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya.  At may iba pang mga bangka na kasabay nila.  At nagkaroon ng malakas na ipuipo.  Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan.  Kaya ginising nila siya at sinabi:  “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo!” Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat:  “Tahimik, huwag kumibo.”  Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan.  At sinabi niya sa kanila:  “Napakatatakot ninyo!  Bakit?  Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap:  “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Tumahimik. Pumayapa. Ang silakbo ng dagat, salamin ng silakbo  ng ating kalooban. Iisa ang rhythm natin dahil iisa lang ang ating Father and Creator. Magkakaugnay tayong lahat.  Isa na rito ang dagat. Si Hesus bilang 100% human at 100% divine, pinatigil ang naliligalig na dagat. Nasubukan mo na bang tanawin ang tagpong ito, sa contamination ng kasalanan, sa dagat ng ating kaibuturan? Makikita natin na hindi lang ito personal sin ng bawat isa sa atin, pero ang pangkalahatang kasalanan. Hindi ba sa liturgy natin na “Kordero ng Diyos”, si Hesus ang nag-aalis ng kasalanan ng buong mundo? Kasama na rito ang kawalan ng katarungan natin at krimen laban sa kapaligiran na sumusugat sa planetang ginagalawan natin. Naalala nyo ba ang tatlong turo ni Pope Francis para matamo natin ang “inner peace at world peace? Edukasyon, trabaho, at dialogue. Mula ito sa message niya sa World Day of Prayer for Peace 2022. I-adapt natin ito sa nagagawa nating kasalanan. Mababawasan at hihina ang pagkakasala, kung lagi nating pag-aaralan nang may pananampalataya ang Katesismo, bilang edukasyon, Paglilingkod, sa halip na trabaho, at tamang pag-uusap o dialogue. Una sa Katesismo, kung pinalulusog natin ang ating kaalaman sa Katesismo, magiging guide natin ito na mag-isip ng mabubuting bagay. Ikalawa, kung nakafocus ang ating galaw para sa ikabubuti ng ating kapwa, maisasantabi natin ang gumawa ng masama laban sa iba.  At ikatlo, kung binibigyang halaga natin ang tamang pag-uusap kapag may samaan ng loob, ang pagbibigay natin ng freedom to express others’ voice, dito sasagana ang pagkakaunawaan natin dahil sa inihayag na katotohanan. Ito ang magsisilbing tinig ni Hesus para malusaw ang okasyon sa pagkakasala. Pakinggan natin ang Words of Peace ng ating Panginoon: Pumayapa. Tumahimik!