John 1:29-34
Nakita ni Juan Bautista si Jesus na papalapit sa kanya. Sinabi niya: “Hayan ang Kordero ng Diyos, ang nag-aalis ng kasalanan ng mundo. Ito ang tinutukoy ko nang sabihin kong ‘Nagpauna na sa akin ang lalaking kasunod kong dumating sapagkat bago ako’y siya na.’ Hindi ko nga siya nakilala pero dahil sa kanya kaya ako pumaritong nagbibinyag sa tubig upang mahayag siya sa Israel.”
At nagpatotoo si Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa Langit gaya ng isang kalapati, at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya nakilala ngunit ang nagsugo sa akin na magbinyang sa tubig ang nagwika sa akin, ‘Kung kanino mo makita ang Espiritung bumababa at nananatili sa kanya, siya ang magbibigay sa Espiritu Santo!’ Nakita ko at pinatotohanan ko na siya nga ang hinirang ng Diyos.”
PAGNINILAY
Ano nga ba ang kordero? Musmos itong tupa. Di ba sa unang paskuwa, tinagubilin ng Panginoon sa mga Israelita na ipahid sa pinto ng kanilang mga bahay ang dugo ng tupa para maligtas ang mga panganay nila sa kamatayan? Samantalang ang tupang inihaw naman, kakainin nila nang mabilisan at uubusin, at saka sila tatakas mula sa Egipto. Napakahalagang kasaysayan ito ng mga Israelita sa pagliligtas ng Diyos sa kanila mula sa pagkakaalipin. Kaya sa pagkakakita ni Juan kay Jesus, nakilala niyang Siya ang ganap na Kordero para sa ikapagpapatawad ng kasalanan ng lahat, at Tagapagligtas mula sa kamatayang dulot ng kasalanan. Sa halimbawa ni Juan, nakikilala rin ba natin na si Jesus ang makakapawi ng nagawa nating kasalanan at makapagliligtas sa atin? Kung kakilala nga natin Siya, lumalapit ba tayo sa sakramento ng Kumpisal para isuko ang nagawa nating mali at makapagsisi? Kapag dumadalo tayo ng misa, pinananariwa ba natin ang pangakong kaisa natin ang Panginoon sa pag-aalay Niya ng buhay para sa kasalanan ng mundo? Tayo nga ang dahilan ng Kanyang pagdating. At sa Sakramento ng binyag, hinandugan Niya tayo ng kabanalang tulad Niya, na walang kasing-banal. Ginagawad Niya ito sa atin, dahil tayo rin ninais Niyang maging mga walang bahid na tupa. Kaya’t ngayong Kapaskuhan at simula ng bagong taon na panahon ng pagpapanibagong-loob, abutin natin ang Kanyang awa at buhos na biyaya ng katapatan. At buong pagsusumamo nating sabihing: “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin.”