EBANGHELYO: JUAN 1: 29-34
Nakita ni Juan Bautista si Jesus na papalapit sa kanya. Sinabi niya: “ Hayan ang Kordero ng Diyos, ang nag-aalis ng kasalanan ng mundo. Ito ang tinutukoy ko nang sabihin kong Nagpauna na sa akin ang lalaking kasunod kong dumating sapagkat bago ako’y siya na.’ Hindi ko nga siya nakilala pero dahil sa kanya kaya ako pumaritong nagbibinyag sa tubig upang mahayag siya sa Israel.”At nagpatotoo si Juan: “Nakita ang Espiritu na bumababa mula sa langit gaya ng isang kalapati, at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya nakilala ngunit ang nagsugo sa akin na magbinyag sa tubig ang nagwika sa akin, ‘ Kung kanino mo makita ang Espiritung bumababa at nananatili sa kanya, siya ang magbibigay sa Espiritu Santo!’ Nakita ko at pinatotohanan ko na siya nga ang hinirang ng Diyos.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Noong hindi pa uso ang video chat at internet, nagbibigay ng tanda ang mga magka-pen-pal kapag magkikita sila sa unang pagkakataon. Gaya ng kulay ng kasuotan o kaya sombrero para madaling matukoy ang isa’t-isa. Sa narinig nating Ebanghelyo ngayon, inamin ni Juan na hindi Nya nakilala si Jesus kaya binigyan sya nito ng palatandaan, “Ang Makita mong babaan ng Espiritu at nanatili sa Kanya, siya ang magbibinyag sa Espiritu Santo”. Naniniwala po ako mga kapanalig na hanggang ngayon, nagbibigay pa rin ng mga palatandaan ang Diyos upang makilala natin Sya ng lubos tuwing dadalaw Sya sa atin. Patuloy pa rin tayong ginagabayan ng Espiritu Santo upang ating matanto ang paggalaw ng Diyos sa ating buhay. Sana manatiling bukas ang ating mga puso at isipan sa bawat pagpapakilala ng Diyos sa ating buhay. Mula paggising natin sa umaga hanggang sa pagtulog natin sa gabi, patuloy na ipinakikilala ni Jesus ang kanyang sarili; sa Banal na Misa, sa kanyang mga Salita at mga pangyayari sa ating buhay. Hingin natin sa Banal na Espiritu na tulungan tayong mabatid ang mensahe ng Diyos sa bawat pangyayari sa ating buhay upang maging saksi rin tayo ng pagmamahal at pagkalinga ng Diyos sa bawat isa.