EBANGHELYO: Mt 2:1-12
Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng mga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.” Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag niya kaagad ang buong kaparian at mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: ‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.’ Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.” Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira. At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Bago pa man sumapit ang Pasko, karaniwan na nating nakikita ang tatlong mago o tatlong pantas sa sabsaban ng belen. Kakaiba ang ayos at bihis nila kumpara sa mga pastol. Kung ang mga pastol ay simpleng mga Judio na may hawak lamang ng tungkod, iba ang hitsura ng tatlong pantas at magarbo ang kanilang kasuotan. Mahalaga at piling-pili rin ang bitbit nilang mga handog para sa bagong hari ng mga Judio na kanilang hinanap. Madali rin silang nakakuha ng pagkakataon na makipag-usap kay Haring Herodes. Dahil dito, ipinapalagay na ang tatlong pantas ay maaring dugong bughaw o mga maharlika. Sa kalaunan, tinawag silang mga hari.// Ibinatay ang bilang na tatlo ayon sa bilang ng regalong ibinigay sa sanggol na si Jesus. Ang isang pantas ay sinasabing maputi, ang isa nama’y kayumanggi at ang pangatlo ay sunog ang balat. Ito ay bilang pagkilala sa lahat ng tao, magkakaiba man ang ating mga kulay at pinagmulang bansa. Lahat ng tao ay tinatanggap sa sabsaban ng belen. Walang itinatangi ang Diyos. Napakita siya sa mga simple at ordinaryong pastol, napagmasdan din siya ng mga hayop, at nakilala rin siya ng mga pantas.