Daughters of Saint Paul

ENERO 3, 2024 – Miyerkules bago mag-epifania | Santa Genoveva / Kabanal-banalang Ngalan ng ating Panginoong Hesus

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules minamahal kong kapatid kay Kristo.  Dakilain natin ang Diyos na nagkatawang-tao.  Ikatlo ngayon ng Enero, ginugunita natin si Santa Genoveva, at pinaparangalan natin ang Kabanal-banalang Ngalan ng ating Panginoong Hesus.  Habang sariwa pa sa ating puso ang pagkakatawang tao ng Diyos Anak, patuloy nating pagnilayan ang dakilang misteryo ng planong pagliligtas ng Diyos Ama. (Hindi Niya ipinagkait ang bugtong na Anak na isilang sa piling natin – upang iligtas tayo sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan.  Inihanda ni Juan Bautista ang kanyang daraanan; at buong sigasig na ipinakilala si Hesus bilang “Kordero ng Diyos, ang nag-aalis ng kasalanan ng mundo”.)  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Juan Ebanghelista, kabanata isa, talata dalawampu’t siyam hanggang tatlumpu’t apat.

EBANGHELYO: John 1:29-34

Nakita ni Juan Bautista si Hesus na papalapit sa kanya.  Sinabi niya:  “Hayan ang Kordero ng Diyos, ang nag-aalis ng kasalanan ng mundo.  Ito ang tinutukoy ko nang sabihin kong ‘Nagpauna na sa akin ang lalaking kasunod kong dumating sapagkat bago ako’y siya na.’  Hindi ko nga siya nakilala pero dahil sa kanya kaya ako pumaritong nagbibinyag sa tubig upang mahayag siya sa Israel.” At nagpatotoo si Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa Langit gaya ng isang kalapati, at nanatili sa kanya.  Hindi ko nga siya nakilala ngunit ang nagsugo sa akin na magbinyang sa tubig ang nagwika sa akin, ‘Kung kanino mo makita ang Espiritung bumababa at nananatili sa kanya, siya ang magbibigay sa Espiritu Santo!’ Nakita ko at pinatotohanan ko na siya nga ang hinirang ng Diyos.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa pagbibinyag ni Juan Bautista, noon din, nabiyayaan siyang masaksihan ang hiwaga ng “persona” ng kanyang binibinyagan. Siya si Hesus. Na ang kahulugan ay “Diyos ang Tagapagligtas”. Sa mismong paglubog sa tubig ng ating Panginoon, habang bumababa ang Banal na Espiritu, tulad ng kalapati, ipinahiwatig ang pagliligtas Niya sa atin. Inilubog Niya ang Kanyang sarili, para hanguin tayo sa panibagong buhay.  Ito ang nagaganap sa Sakramento ng Binyag. Ayon kay San Pablo Apostol, ang sinumang binibinyagan, pumapasok sa pakikiisa sa kamatayan ni Kristo, nalilibing at nabubuhay kasama Niya. Nangangahulugan ito, na nililinis, pinapawalang-sala at pinagiging banal tayo, sa pamamagitan sa Banal na Espiritu ng ating Poong Hesus.  Nakatatak ito sa ating pagiging tao. Ikatlong araw na ngayon ng Year 2024, naniniwala ako, na lahat tayo may New Year’s resolution. Lahat tayo, ibig magbagong buhay, sa Ngalan ni Hesus na ating Tagapagligtas. Balikan natin, ang pagsalubong natin ng unang araw ng Bagong Taon. Nagawa ba nating bumati sa kariktan ng unang Bukang Liwayway? I hope, na gawin nating best time of the day, ang pagtanaw sa talukap ng mata ng bawat bagong araw. Habang sinusundan natin nang tanaw, ang pagtaas ng araw, pinupuri rin natin si Hesus na nagbuwal sa dilim ng gabi ng pagkakaalipin natin sa pagkakasala. Ipanalangin natin, na hindi lang ito moment ng pagbabago, kundi sandali, para irenew natin ang pagiging instrumento ng pagbabago. Taas noo nating ipamalas, ang tunay na pagiging ligtas. Ngayon, bukas, at sa buong taon.