Heb 11:32-40 – Slm 31 – Mk 5:1-20
Mk 5:1-20
Dumating si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng mga taga-Gerasa sa kabilang ibayo, at pag-alis niya sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Sa mga puntod siya nakatira at di siya maigapos kahit na ng mga kadena. Madalas nga siyang ikinakadena at ipinoposas ang mga paa pero nilalagot niya ang mga kadena at sinisira ang mga posas at sinisira ang mga posas sa paa kaya walang makasupil sa kanya. Nasa kaburulan siya araw-gabi, sa mga libingan. Nagsisigaw siya at sinasaktan ang sarili sa mga bato.
Pagkakita nit okay Jesus sa malayo, patakbo itong lumapit at nagpatirapa sa harap niya at sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na Anak ng Diyos! Hinihiling ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na huwag mo akong pahirapan.” Sinabi nga sa kanya ni Jesus: “Lumabas ka sa tao, maruming espiritu.” At nang tanungin siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” sumagot siya, “Hukbo nga ako, marami kasi kami.” At hiningin niya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
Maraming baboy na nanginginain doon sa burol. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Ipadala mo kami sa mga baboy at papasok kami sa mga iyom.” At pinahitulutan sila ni Jesus. Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy; at nahulog sa bangin ang mga baboy papuntang dagat at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. At ipinamalita nila ang lahat sa bayan at sa mga bukid. Naglabasan ang mga tao para alamin ang nagyari.
Pagsakay ni Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang inalihan ng demonyo na isama siya. Ngunit hindi siya pinayagan ni Jesus, kundi sinabi niya: “Umuwi ka sa iyong mga kamag-anak at ipamalita sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at ang pagkahabag niya sa iyo.”
Kaya umalis ang tao, at sinimulang ipahayag sa buong lupain ng Decapolis ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jesus, at namangha ang lahat.
PAGNINILAY
Sa pagpapalayas ni Jesus sa mga masasamang espiritu, pinatunayan Niya na sumaatin Siya para iligtas tayo sa lahat ng nakapagpapalayo sa atin sa Diyos Ama. Ibig Niyang mapalayo tayo sa masasama at maging dalisay ang kalooban natin. Pero ano ang tugon natin? Baka naman tayo pa ang nagbibigay ng okasyon para lapitan tayo ng masama. O baka rin hindi tayo nagsusumikap na paglabanan kapag lumalapit ang tukso. Tandaan natin, magpakalayo-layo man tayo sa ating Panginoon, isang hakbang lang natin pabalik, matatagpuan na natin Siya. Tapat nga Siya. Sabi nga sa sulat sa mga Hebreo, “Diyos na rin ang nagwika: Hindi kita iiwan, at pababayaan.” Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong nagkasala ako Sa’yo at sa aking kapwa. Papag-alabin Mo po ang presensiya ng Banal na Espiritu sa aking puso upang maiwasan kong magkasala sa hinaharap. Amen.