MARCOS 5:21-43
Pagkatawid ni Jesus sa lawa na sakay sa bangka, pinagkalipumpunan siya ng maraming tao sa tabing-dagat. At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa kanya: “Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para iligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay…” Nagsasalita pa si Jesus nang may dumating galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, at sinabi nila: “Patay na ang iyong anak na babae. Bakit mo pa iniisturbo ngayon ang Guro?” Ngunit hindi sila initindi ni Jesus at sinabi sa pinuno: “Huwag kang matakot , manampalataya ka lamang…” At pinagtawanan nila siya…Pagpasok niya sa kinaroonan ng bata,hinawakan niya ito sa kamay at sinabi: “Talita kum,” na ang ibig sabihi'y “Nene, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka. At noon di'y bumangon ang bata at nagsimulang maglakad. (Labindalawang taon na nga siya.) At nagkaroon ng pagkamangha, malaking pagkamangha. Mahigpit na iniutos ni Jesus sa kanila na huwag itong sabihin kaninuman, at sinabi sa kanila na bigyan ng makakain ang bata.
PAGNINILAY:
Ilang beses na ba tayong sumuko at sinasabing patay na nga ang isang tao? Sa panahon natin ngayon, marahil maraming ulit na rin nating sinasabing patay na ang pagiging marangal; ang delikadesa, patay na ang kabutihan, ang dangal, at ang katapatan. Kailangan nating bantayan ang ating likuran dahil hindi na tayo nakasisiguro. Ang pagiging mayaman na ang uso. At para lamang sa mga hangal ang pagiging mabuti at mapagbigay. At para sa maraming modernong tao, wala na ang Diyos. Mga kapanalig, sa kabila ng pag-iisip ng ganito, hindi tayo isinusuko ng Diyos, hindi Niya tayo iniiwan. Tanda ang bawat sanggol na isinisilang na hindi nawawalan ng pag-asa ang Diyos sa atin. Mawala man tayo sa mundo, nagpapatuloy ang buhay, at itinutuloy ng mabubuting tao na dalhin ang liwanag. Itinuturo ng pananampalataya na hindi tayo namamatay, tayo’y nananatiling buhay sa kabilang buhay. Panginoon, buhayin Mo po ang pag-asa sa aking puso sa tuwing ako’y nanghihina at gusto nang sumuko. Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya Sa’yong walang-hanggang pagkalinga at awa. Amen.