EBANGHELYO: MARCOS 4:21-25
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ang salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na hindi nabubunyag at walang tinatakpan na hindi malalantad. Makinig ang may tainga!”At sinabi niya sa kanila: “Isip-isipin n’yo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginagamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit kung wala siya, aagawin sa kanya kahit na ang nasa kanya.”
PAGNINILAY:
Ngayong Taon ng Ecumenism at Interreligious Dialogue, na-inspire akong i-share ang faith journey ng aming pamilya na may iba’t ibang relihiyon. Katoliko-Kristiyano ang nakagisnan naming relihiyon! Nabinyagan kami at lumaki sa Katolikong pananampalataya! Pero noong nagsipag-asawa na ang mga kapatid ko at nagkahi-hiwalay na kami ng landas… Doon nagsimulang pumasok ang iba’t ibang Kristiyanong denominasyon sa aming pamilya. May Dating Daan, Iglesia ni Kristo, Methodist, Baptist, Born Again at Protestante. Kaya ang tanong ng marami? Sister, hindi ba kayo nag-aaway-away? Ang sabi ko naman, hindi! Dahil hindi naman namin pinag-dedebatehan ang pagkakaiba-iba ng aming pananampalataya…o ipagdiinan na ako ang tama, at sila ang mali… kundi, nererespeto namin ang isa’t isa, at naka focus kami sa kabutihang dulot ng relihiyong inaniban sa pagsabuhay ng pananampalataya. Higit sa lahat, nagkakaisa kami sa paniniwala na iisa lang ang Diyos na Maylikha ng lahat…ibat-iba lang ang paraan ng pagpapahayag ng pananampalataya. Dahil hindi ko naman sila makontrol na manatiling Katoliko, kung nakapag-asawa sila ng ibang relihiyon, o kung mas lumalim ang kanilang pananampalataya sa pag-anib sa relihiyong kanilang sinamahan. Ang dasal ko na lang, Sige po, Lord… kung doon sila mas magiging mabuting tao at Kristiyano…then, be it! May your will and not mine, be done. At patuloy ko silang ipinagdarasal na mas lumalim pa ang kanilang pananampalataya sa Diyos; na mas maging mabait at makatao pa sila sa pakikitungo sa kapwa. Pero napaisip ako sa dahilan ng isa kong kapatid, na lumipat ng ibang relihiyon. Aktibong miyembro silang mag-asawa sa isang marriage encounter group ng isang parokya. Aniya, sa ilang taong pananatili niya sa grupo, wala daw siyang nakitang pagbabago sa mga miyembro. Nandun pa rin ang inggitan, tsismisan, pangangalunya ng ilang miyembro at iba pang negatibong obserbasyon na naging dahilan upang iwanan niya ang grupo, at maghanap ng ibang relihiyon. Sa halip na maging ilaw sana siya sa mga miyembro na naliligaw ng landas, iniwanan niya ito. Ikaw, kapanalig… nagsisilbi ka bang ilaw sa’yong pamilya, samahan, komunidad o opisinang pinapasukan? Tinatawagan tayo ng Ebanghelyo ngayon na maging ilaw sa isa’t isa, sa pamamagitan ng ating mabubuting halimbawa at tapat na pagsunod sa mga turo ng Panginoong Jesus. Amen.