EBANGHELYO: Mk 4:35-41
Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo!” Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tumahimik, huwag kumibo.” Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ba ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Kapag ang guro, sinabi na “Class, listen”. Tatahimik ang mga istudyante, ma-online classroom man o actual. Kapag, hinalikan ng ina ang kanyang anak at sinabing “Tahan na”, titigil sa pag-iyak ang bata. Sa narinig natin, inutusan ni Jesus na tumahimik ang maingay na hangin at masungit na dagat. At tumigil ang mga ito. Sumunod sila. Naniniwala ako na ugnayan ang dahilan ng magandang pagtugon mula sa nakikiusap o nag-uutos. Ang teacher, may pinagsamahan na sila ng mga istudyante. Mas lalo na ang ina sa kanyang anak, at nakakahigit pa ang relasyon ng Diyos sa Kanyang mga nilikha. Ama natin Siya at kapatid natin ang mga hangin, dagat, mga kabundukan at nagtakda siya ng layunin ng ating paglikha. Kapatid, bawat isa sa atin, may purpose ayon sa kalooban ng Diyos. Bilang may buhay, likas din sa isang nilikha ang mabagabag, ang magitla, ang maligalig. Maaring may nakaimpluwensya, o may nagdulot ng sindak. Tulad ng kapatid nating hangin at dagat, may unos din na dumarating sa atin na automatic tayong nag-ri-react. May reaksyon tayo na biglang iwas, mayroon din na sumasabog ang ating kalooban dahil hindi natin makayanan. May epekto rin na bigla tayong magagalit at gusto nating maghiganti. Kung sa sandaling ito, umaalsa at nagwawala ang kalooban natin dahil hindi na natin kayang kontrolin ang mga nagaganap sa ating buhay, dinggin natin ang tinig ni Jesus na namumuhay ang Diyos Ama. (Tumigil tayo. Manahimik. Manatili. May babaguhin Siyang perspektibo sa ating isipan. May huhugutin Siyang negatibong emosyon. Mayroon Siyang bagong ihahabi sa ating kalooban na kinakailangan natin sa proseso ng araw-araw na pagtulad natin sa Kanya. Basta’t tumalima lang tayo sa Kanyang Salita.)