Daughters of Saint Paul

ENERO 30, 2022 – IKAAPAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa ika-apat na Linggo sa karaniwang panahon at National Bible Sunday.  (Sa pagtatapos ng National Bible Week at National Bible month, ipinagdiriwang naman natin ngayon ang National Bible Sunday na may temang “Ang Pag-ibig ng Diyos ang kasagutan sa Dumaraing na Sanlibutan.”  Nakapa gandang simulan ang Bagong Taon na nakatutok tayo at naka-angkla sa salita ng Diyos, nang magsilbi itong gabay sa buong taong paglalakbay natin sa buhay.) Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang buksan na natin ang puso’t isip  sa paggabay ng Banal na Espiritu upang maunawaan ang mensahe mula kay San Lukas kabanata apat, talata dalawampu’t isa hanggang tatlumpu. 

EBANGHELYO: Lk 4:21-30

Sinimulang magsalita ni Hesus sa sinagoga ng Nazareth, Isinakatuparan ang kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo. At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang loob ng Diyos. Na Nanggaling sa kanyang bibig at sinabi nila hindi ba’t ito ang anak ni Jose, nagsalita si hesus sa kanila “tiyak na babanggitin niyo sakin ang kasabihang Mangagamot pagalingin mo ang iyong sarili, gawin mo rin ditto sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum. Talagang sinasabi ko walang propetang katanggap tanggap sa sarili niyang bayan, tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahonan ni Elyas ng sarhan ang langit sa loob nang talo’t kalahating taon. At nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain, gayon paman ay hindi ipinadala si Elyas sa isa man sa kanila. Kundi sa babaeng balo ng sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni propeta Eliseo pero wala sa kanila ang pinagaling kundi ang seryong si Naaman. Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito. Tumindig sila at pinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.

PAGNINILAY

Mga kapatid, may dalawang aral tayong mapupulot sa Ebanghelyo ngayon.  Una, para sa ating humahadlang sa mga tao para hindi sila makagawa ng mabuti.  Ano bang buti ang maidudulot sa atin ng gawang ito?  Anong klaseng saya ang nararamdaman natin sa tuwing nagiging kontrabida tayo sa mga taong gumagawa ng kabutihan at gusto pa natin silang hadlangan?  Di ba’t wala!  Nakakalungkot isipin na hindi na nga tayo gumagawa ng kabutihan, gusto pa nating hadlangan ang mga taong nagpapakabuti.  Saan ba galing ang masamang saloobing ito?  Malamang sa inggit na namamayani sa ating puso.  Bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng Diyos ng sapat na biyaya at pagpapala upang magbahaginan tayo para sa ikabubuti ng mundo.  Ang dapat nating iwasan ay ang inggit.  Na siyang nagiging hadlang para maghari ang kabutihan ng Diyos sa sandaigdigan.  Ang ikalawang aral, ay para sa ating nagsisikap gumawa ng mabuti pero hinahadlangan tayo ng kapwa.  Hindi natin kayang suyuin ang lahat ng tao.  Sa kabila nang mga ginagawa nating mabuti, mayroon pa ring kokontra at hahadlang, lalo na kung ang ating ginagawa ay labag sa kanilang paniniwala.  Kung tayo’y naniniwala na ang ating ginagawa ay ayon sa kalooban ng Diyos, wala tayong dapat ikatakot kahit pa tayo’y usigin. Dahil gagawa at gagawa ang Diyos ng paraan upang patuloy na magbunga ang ating mabubuting gawa nang maging daluyan ito ng pagpapala para sa ating kapwa.