BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Dakilain ang Diyos na buhay sa patuloy na pagkakaloob sa atin ng buhay. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang pagpanumbalik ni Hesus ng buhay ng anak ni Jairo sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata lima, talata dalawampu’t isa hanggang apatnapu’t tatlo.
Ebanghelyo: Mk 5:21-43
Pagkatawid ni Jesus sa lawa na sakay sa bangka, pinagkalipumpunan siya ng maraming tao sa tabing-dagat. At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa kanya: “Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para iligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay…” Nagsasalita pa si Jesus nang may dumating galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, at sinabi nila: “Patay na ang iyong anak na babae. Bakit mo pa iniisturbo ngayon ang Guro?” Ngunit hindi sila initindi ni Jesus at sinabi sa pinuno: “Huwag kang matakot , manampalataya ka lamang…” At pinagtawanan nila siya…Pagpasok niya sa kinaroonan ng bata,hinawakan niya ito sa kamay at sinabi: “Talita kum,” na ang ibig sabihi’y “Nene, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka. At noon di’y bumangon ang bata at nagsimulang maglakad.(Labindalawang taon na nga siya.) At nagkaroon ng pagkamangha, malaking pagkamangha. Mahigpit na iniutos ni Jesus sa kanila na huwag itong sabihin kaninuman, at sinabi sa kanila na bigyan ng makakain ang bata.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Muling pinatunayan ng Mabuting Balita ngayon ang kahalagahan ng pananampalataya sa ating Panginoon Hesus. Hinihikayat tayo nito na manatili ang ating pagtitiwala sa Diyos. Ang ating malalim na relasyon sa Diyos ay lalaging nagbibigay sa atin ng pag- asa. Mga kapatid, ang babae na labingdalawang taon nang inaagasan ay gumaling dahil sa kanyang pananalig. Hindi ba’t sinabi ng Panginoong Hesus sa kanya “Anak, iniligtas ka dahil sa iyong pananampalataya.” Ang anak ng Puno ng Sinagoga na si Jairo ay nagpatirapa sa paanan ng ating Panginoong Hesus upang pagalingin ang kanyang Anak, pero ito palang anak niya ay patay na. Ang ating Panginoong Hesus mismo ay nagsabi sa kanya “Huwag kang matakot, sumampalataya ka lamang.” Mga kapatid, ang pintuan ng tulong ng ating Panginoong Hesus ay nakasalalay sa lalim ng ating pananampalataya, pagtitiwala at pag-asa sa Kanya. Amen.