Daughters of Saint Paul

Enero 4, 2017 MIYERKULES Bago mag-Epifania / Santa Elizabeth Ana Seton

Jn 1:35-42 

Naroon [sa Betaraba, sa kabilang ibayo ng Jordan] si Juan at dalawa sa kanyang mga alagad.  Pagkakita niya kay Jesus na naglalakad, ito ang kanyang sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.”  At narinig ng dalawang alagad ang kanyang binigkas at sinundan nila si Jesus.  Lumingon si Jesus at nakita niya silang sumusunod sa kanya, at sinabi niya sa kanila: “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot naman sila sa kanya:  “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka nakatira?”  At sinabi niya sa kanila: “Halikayo at makikita n’yo.”  At pumaroon sila at nakita nila kung saan siya tumutuloy, at maghapon silang nanuluyan sa kanya. Mag-iikaapat ng hapon ang oras noon.

             Si Andres na kapatid ni Simon Pedro ay isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod sa kanya.  Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin ay Pinahiran).”  Inihatid niya siya kay Jesus.  Pagkakita sa kanya ni Jesus, sinabi niya: “Si Simon ka na anak ni Juan.  Kefas ang itatawag sa iyo (na kung isasalin ay Pedro).”

PAGNINILAY

Minsang sinabi ni Julius Ceasar na isang pulitikong Romano “We came, we saw, we conquered.” Pero sa narinig nating Ebanghelyo, iba ang naganap, “we came, we saw, we surrendered”. Nang makita nang personal ng mga alagad ni Juan si Jesus, isinuko nila ang kanilang sarili at sumunod sa Kanya.  Dahan-dahan nang kumukubli si Juan dahil naipakilala na niya ang Kordero ng Diyos. Ang Kordero ng Diyos na nagpapabanal sa atin. Ang Kordero ng Diyos na nagbubukod sa atin para sa Kanya. Sabi nga ni San Pablo, nilikha tayo ng Diyos para sa gawaing kasiya-siya sa ngalan ng Kristo.  Kay Jesus, itinalaga tayo sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. Bilang paghahanda, kailangan ang ating buong kalayaang pagsuko ng sarili sa Kanya. Pagsuko, pagtitiwala ng ating pagkatao, kagustuhan, maging ng mga bagay na mahalaga sa atin at tungkuling pinanghahawakan, at hayaang Siya ang humubog sa atin para sa paglilingkod sa Kanya at sa ating kapwa. Ito nga ang layunin ng ating buhay. Tulad ng isang puno na laging nakataas ang mga dahon at sanga sa pagpupuri sa Kanya, tulad rin ng mga agila na gawaing lumipad ng papaitaas para maabot Siya. Kung sakali namang napapagod na tayo, nag-aapuhap ng lakas, lumapit tayo sa Kanya, pagmasdan ang Kanyang mukha sa lahat ng kanyang nilikha, at isuko ang kahinaan natin.  Umasa tayo na dadalhin Niyang papataas sa Ama ang alay natin. Dahil sa panahon ng ating panghihina at pagsuko ng lahat natin sa Kanya, Siya na ang malakas na puwersang kumikilos sa pamamagitan natin.