JUAN 1:35-42
Naroon [sa Betaraba, sa kabilang ibayo ng Jordan] si Juan at dalawa sa kanyang mga alagad. Pagkakita niya kay Jesus na naglalakad, ito ang kanyang sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.” At narinig ng dalawang alagad ang kanyang binigkas at sinundan nila si Jesus. Lumingon si Jesus at nakita niya silang sumusunod sa kanya, at sinabi niya sa kanila: “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot naman sila sa kanya: “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka nakatira?” At sinabi niya sa kanila: “Halikayo at makikita n’yo.” At pumaroon sila at nakita nila kung saan siya tumutuloy, at maghapon silang nanuluyan sa kanya. Mag-iikaapat ng hapon ang oras noon.
Si Andres na kapatid ni Simon Pedro ay isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod sa kanya. Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin ay Pinahiran).” Inihatid niya siya kay Jesus. Pagkakita sa kanya ni Jesus, sinabi niya: “Si Simon ka na anak ni Juan. Kefas ang itatawag sa iyo (na kung isasalin ay Pedro).”
PAGNINILAY:
Kapanalig, kung tatanungin ka ngayon ng Panginoon kung ano ang hinahanap mo, ano ang isasagot mo? Araw-araw balisa tayo sa maraming pinagkakaabalahan, at di natin namamalayan ang mabilis na paglipas ng oras at araw. Pero naitanong mo ba sa iyong sarili, kung ano talaga ang hinahanap mo sa buhay? Ang paanyaya ni Jesus, nangangailangan ng isang matibay na pagpapasya at pananagutan. Kapag lumago na tayo sa ating pakikipag-ugnayan kay Jesus, pahahalagahan natin ang karanasang ito. At magtutulak ito sa atin upang ibahagi sa iba ang malalim na karanasang ito. Ito ang karanasang ibinabahagi ni Andres sa atin. Pumunta siya sa kanyang kapatid na si Simon, at sinabi rito na natagpuan niya ang Mesiyas. Ang pagkatagpo naman ni Simon kay Jesus, nagbunga ng malaking pagbabago sa kanyang buhay, lalo na, nang pangalanan siya nitong Kefas, isang batong pinagkakatiwalaan Niya. Kinailangang subukan ang pagtawag kay Pedro, kailangang lumago ang pakikipag-ugnayan niya kay Jesus. Oo, Mabibigo siya, pero muli Siyang babangon sa tulong ni Jesus. Mga kapanalig, sa pagkilos ni Andres, nailapit din niya ang iba kay Jesus. Suriin natin ang ating pang-araw-araw na buhay, meron din ba tayong mga tao na nailalapit sa Panginoon? Ang pagsabuhay ba natin ng pananampalataya, sapat na upang mahikayat din ang iba na sumampalataya sa Diyos? Panginoon, tulungan Mo po akong lumago sa pagsabuhay ng aking pananampalataya, nang maakay ko ang iba na sumampalataya Sa’yo. Amen.