EBANGHELYO: JUAN 1:35-42
Naroon [sa Betaraba, sa kabilang ibayo ng Jordan] si Juan at dalawa sa kanyang mga alagad. Pagkakita niya kay Jesus na naglalakad, ito ang kanyang sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.” At narinig ng dalawang alagad ang kanyang binigkas at sinundan nila si Jesus. Lumingon si Jesus at nakita niya silang sumusunod sa kanya, at sinabi niya sa kanila: “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot naman sila sa kanya: “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka nakatira?” At sinabi niya sa kanila: “Halikayo at makikita n’yo.” At pumaroon sila at nakita nila kung saan siya tumutuloy, at maghapon silang nanuluyan sa kanya. Mag-iikaapat ng hapon ang oras noon.Si Andres na kapatid ni Simon Pedro ay isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod sa kanya. Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin ay Pinahiran).” Inihatid niya siya kay Jesus. Pagkakita sa kanya ni Jesus, sinabi niya: “Si Simon ka na anak ni Juan. Kefas ang itatawag sa iyo (na kung isasalin ay Pedro).”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Nagkaroon ka ba ng bagong kaibigan ngayong Pasko? Mahalaga ang pagkakaroon ng kaibigan – hindi lamang bago, kundi tunay na kaibigan. Ang tunay na kaibigan ay taong masaya at masarap kasama, lalo na sa mga panahon na pasan mo ang mundo. Isang tao na ipinadadama ang iyong lakas kapag ramdam mo ang iyong kahinaan; ipinaaalam ang iyong kabutihan sa mga panahon na walang pumapansin sa iyong mga magagandang gawain. Ang tunay na kaibigan ay hindi rin natatakot sabihin ang iyong kahinaan at mga maling Gawain, para sa iyong ikabubuti. Ito ang naging karanasan ng mga alagad pagkatapos nilang makilala si Hesus. Nagkaroon sila ng hindi lang bago, pero, isang mapagmahal at tapat na kaibigan. Mga kapanalig, tayo’y nilikha upang kaibiganin ang Diyos. Ang Pasko ay sumapit dahil nais din ng Diyos na maging kaibigan ang tao. Siya ang Emmanuel. Ang Diyos na hindi nang-iiwan, laging andiyan, sa mga panahon na kailangan natin ng kausap at karamay. Hindi N’ya tayo nilalaglag kahit na hindi mabuti ang ating mga ginagawa. Ang Diyos ay tunay na kaibigan kahit ng mga makasalanan. Mga kapanalig, ngayong Pasko, may “Friend Request” si Hesus, hindi sa ating Facebook accounts, kundi sa ating mga puso. Ano kaya ang ating magiging tugon? Kung tinatanggap mo ang “Friend Request” ng Panginoon, handa ka ba na maging isang tapat at mapagmahal na kaibigan? Sana naman. Amen.