EBANGHELYO: Mt 4:12-17, 23-25
Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, Lumayo siya pa-Galilea. Hindi rin siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali. Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano. Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.” At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagumbuhay; lumapit na nga ang kaharian ng Langit.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Junlyn Maraganas, ng Pastorelle sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Para sa mga Judio ang mga lupaing Zabulon at Neftali ay kabilang sa mga lupain ng mga Hentil. Mga pamayanan na puno ng kadiliman at kawalang pag-asa. Lugar na iniiwasan dahil puno ng kasalanan at kadiliman. Kapatid, kung ang buhay mo ngayon ay parang Zabulon at Neftali, na puno ng kaguluhan at kadiliman, papasukin mo si Hesus sa’yong puso at buhay/ at tiyak na magkaroon ng liwanag at kaayusan ang iyong pamumuhay. May mga taong buhay pa, pero ang pamumuhay ay walang kabuhay-buhay, dahil hindi nila isinasabuhay ang Salita ng Diyos. Sa kabilang banda, may mga tao naman na maraming pagsubok sa buhay, pero puno sila ng pag-asa na harapin ang mga ito, dahil sa kanilang malalim na ugnayan at pananampalataya sa Diyos. Mga kapatid, si Kristo ang ating liwanag at pag-asa! Ang Kanyang salita ay daan para sa ating tagumpay/ at gabay sa daan patungo sa Kanyang kaharian!// Sa paanong paraan nagiging liwanag si Hesus sa’yong pang-araw-araw na pamumuhay?
PANALANGIN
Panginoon, turuan mo akong maging mahabagin, maamo at mapagkumbaba ang puso. Tulungan mong kilalanin ko ang aking sariling pangangailangan at mapagkumbabang humingi ako sa Iyo ng kagalingan upang maibahagi ko ang Iyong pangalan at kabutihan lalo na sa mga nangangailangan. Amen.